ASAHAN na ang pagbaba ng foreign investment realization.
Ito ang sinabi ng ekonomistang si Dr. Michael Batu kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan na bumaba ng 63.6 percent ang total foreign investments nitong unang quarter ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
Sabi ni Batu, posible umanong tumumbas lang sa gastos ng Pangulo at ng kaniyang gabinete sa kanilang palagiang pagbibiyahe sa ibang bansa ang magkakatotoong investment sa hinaharap.
Mula nang maupo bilang pangulo si Marcos Jr. ay umabot na sa halos 20 ang international trips nito.
Base sa pinakahuling datos na ni-release ng PSA, nakakuha lang ng P148.43-B na foreign investment commitments ang bansa mula Enero hanggang Marso nitong taon.
Malayo ang agwat nito sa P408.22-B foreign investment pledges na nakuha noong nakaraang taon sa parehong mga buwan.
Sa ngayon, ang Singapore, The Netherlands, at South Korea ang top 3 countries na nais mag-invest sa bansa.
Samantala, sang-ayon naman si Batu na malaking factor ang sigalot sa West Philippine Sea kaya’t bumaba ang foreign investment pledges.