ISANG online petition ang kumakalat ngayon sa social media na naghihimok kay Vice President Leni Robredo na tumakbo bilang susunod na pangulo ng Pilipinas.
Halos isang linggo na ang nasabing post at patuloy ito na humihimok ng mga tao na pumirma sa nasabing petisyon sa pangunguna ng online portal na change.org.ph
Sa ngayon, umani na ito sa mahigit sa pitong libong pirma via online.
Sa isang virtual commentary program ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, aminado siya na hindi malayong magdesisyon si VP Leni para tumakbo bilang pangulo ng bansa.
Ani Panelo, kaya nito naisipan na maging pangalawang pangulo dahil may balak itong maging presidente ng bansa.
Pero para sa personal na pananaw ng kalihim, isa lang ang nasa isip nito na maaari lamang makasunod sa yapak ni Pangulong Duterte, ang anak nitong si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Giit pa ni Panelo, malaki ang potensiyal ni Mayor Sarah dahil sa karanasan nito sa politika at pagpapatupad ng batas na malaking bagay para mamuno sa bansa.
Kaugnay nito, naniniwala si Secretary Panelo na walang maidudulot na maganda sa bansa kung ang mga kritiko ng pamahalaan ang magiging lider ng bansa.
Ilan sa mga tinutukoy ng kalihim ay ang posibleng hindi matuloy o ipagpatuloy ng mga kalaban sa gobyerno ang mga kasalukuyang proyekto ng pamahalaan.