INAMIN ng sikat na referee na si Carlos Padilla na tinulungan niya noon si Filipino boxing icon Manny Pacquiao na manalo sa isa sa mga boxing match nito.
Ayon kay Padilla, ang tinutukoy niya na laro ay ang laban ni Pacquiao sa pagitan ng Australian boxer na si Nedal Hussein noong October 10, 2000 sa Ynares Sports Center, Antipolo City.
Sa larong ito ay inaasahan ng lahat na mananalo at madepensahan ni Pacquiao ang noo’y WBC International Super Bantamweight Title nito.
Kaugnay nito, saysay ni Padilla, nang maiknock-out ng Australian boxer si Pacquiao sa fourth round, sinunod pa rin naman ng referee ang mandatory eight-count subalit bahagya niya itong binagalan upang mabigyan pa ng panahon si Pacquiao na maka-recover.
Sa huli, nanalo si Pacquiao laban kay Hussien sa larong ito.
Samantala, nang malaman ng kampo ni Hussein ang pangyayari, malaki ang pagkadismaya nito lalo pa’t noon pa ay nararamdaman na nilang may mali sa nasabing laban.