NAGSIMULA nang gumalaw para maisabatas muli ang SIM Card Registration Bill sa Kamara.
Sa hearing ngayong Lunes, lusot na sa House Committee on Information and Communications Technology ang nasabing panukala.
Lalo na’t ang mother bill nito ay inihain ni Speaker Martin Romualdez.
Sakop ng panukala na i-rehistro ang lahat ng SIM cards para maiwasan ang pagkalat ng scam at krimen gamit ang cellphone.
At bago makabili ng SIM, dapat munang magbigay ng proof of identity ang bibili.
Hahanapan din ito ng valid ID gaya ng passport at anumang government issued ID.
Pipirma din ito ng form para mabigyan ng serial number ang subscriber.
Hindi naman makakaligtas sa batas ang dati ng mga SIM card dahil obligado itong iparehistro.
Inaasahan ng maraming user na maisabatas ang panukala dahil sa naglilipanang text scams.
Ang modus ng iba para makapambiktima, kunin ang pangalan ng subscriber para magmukhang totoo ang text scam.
“This bill has been approved on third reading not only by the House of Representatives but also by the Senate but it was just vetoed by the President for a provision with regards to social media registration. This bill is of utmost urgency,” ayon kay Rep. Toby Tiangco, Chairman, House Committee on Information and Communications Technology.
Magkakaroon naman ng pagdinig ang komite kaugnay sa lahat ng isyu sa text scams sa susunod na linggo.
Katakot-takot naman na multa ang kakaharapin ng mga telco na susuway sa batas na ito.
Matatandaan na pirma na lang ang kulang at ganap na sanang batas ang SIM Card Registration Act sa bansa.
Subalit nang singitan ng probisyon na i-rehistro din dapat ang social media accounts ng bawat SIM card owners ay vineto ito ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Depensa ng Duterte administration, hindi masyadong nabigyan ng kahulugan at napag-aralan ang tungkol sa “state intrusion” o regulasyon tungkol sa social media registration.
Bagaman at pinupuri anya ng Pangulo ang Kongreso sa pagsisikap na masawata ang mga insidente ng cybercrime, hindi naman ito sumasang-ayon sa pagkakasama ng social media sa panukala nang walang tamang guidelines at nalinaw na depinisyon.