SA ikalawang pagkakataon ay aprubado na sa Bicameral Committee ang SIM Registration Bill na layuning gawing mandatoryo ang pag-register ng Subscriber Identity Modules (SIM).
Sa deliberasyon kagabi ay pinagdebatehan ng panel ang di magkasundong probisyon ng Senate Bill No. 1310 at House Bill No. 14 – ang magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan ng SIM Registration Bill.
Pasado alas syete ng gabi ay aprubado na ang nasabing panukala batay sa sa isang Tweet ni Senador Win Gatchalian.
Ito ay matapos inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa plenaryo sa Senado ilang oras lamang ang pagitan.
Ang Senate Bill Number 1310 o SIM Registration Act na may layuning maibsan ang mga krimen na may kinalaman sa mobile phone sa bansa, ay pumasa sa 3rd and final reading sa plenaryo sa Senado na may botong 20 affirmative votes at zero abstention.
Ang nasabing panukala na sponsored ni Senadora Grace Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, ay ang kauna-unahang ipinasa sa plenaryo ng Senado ngayong 19th Congress.
Ipinagbunyi naman ni Senador Win Gatchalian ang pagsasabatas ng SIM Registration Bill matapos aprubahan ito sa Bicam.
“Inaasahan natin na ang SIM registration ay makakabawas sa patuloy na paglaganap ng cybercrimes sa bansa at makakapigil sa mga taong gumagawa ng kasamaan para mambiktima sa ating mga kababayan,” pahayag ni Gatchalian.
Sa pagpaparehistro ng SIM, magiging madali aniya para sa mga awtoridad na matunton ang mga kawatan o grupong gumagawa ng online crimes, diin ng senador.
Sinabi niya na ang mga telecommunications companies, na madalas na sinisisi sa ilang mga cyber atrocities, ay nagsabi na rin na ang SIM registration ay makakabawas nang husto ng spam at phishing text messages.
Layunin naman ng panukala na kontrolin ang registration at paggamit ng SIM sa pamamagitan ng mandatoryong pag-register ng mga subscribers ng kanilang mga ginagamit na SIM cards sa mga telecommunication companies.
Bahagi ng pag-register ng SIM ang pagsusumite ng totoong pangalan, address, araw ng kapanganakan, at ang pagpapakita ng valid ID para sa pag-verify ng pagkakakilanlan.
Bukod sa SIM Registration ay aprubado na rin sa 3rd and final reading sa plenaryo sa Senado ang pagpapaliban ng nalalapit na Barangay at SK elections at ang “Walkable and Bikeable Communities Act.”