Simula Mayo a-uno, maari nang makapasok sa bansa ang ilang dayuhan

AYON kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpasok ng mga dayuhan simula Mayo ngunit may ilang kondisyon.

Ani Roque, kailangang mayroong valid at existing visa ang mga dayuhan sa oras ng pagpasok sa Pilipinas maliban na lamang kung ang pasahero ay kasama sa Balikbayan Program.

Dapat din aniyang may pre-booked accommodation ang mga ito na hindi bababa sa 7 araw sa mga pasilidad na pinayagang mag-operate at sasailalim din sila sa RT-PCR testing sa kanilang ika-anim na araw sa isang quarantine site.

Nakasalalay din ito sa maximum capacity ng inbound passengers sa oras at lugar ng kanilang pagpasok sa bansa.

Gayunman, nilinaw ni Roque na mananatiling epektibo ang travel ban sa mga biyahero na galing ng India o mayroong history ng pagbiyahe sa naturang bansa.

Para sa maayos na pagtanggap ng mga dayuhan simula mayo ay inatasan naman ang Bureau of Immigration (BI) na gumawa ng mga kaukulang guidelines ukol sa muling pagpayag sa mga dayuhang pumasok sa bansa.

Para sa karagdagan pang detalye maaari ding bisitahin ang Department for Foreign Affairs’ website, The Department of Tourism website, at Department of Health in the Philippines website.

SMNI NEWS