MAKIKIPAGPULONG sa Martes, Pebrero 18 ang mga pork retailer kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ito ang sinabi ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) para linawin kung saan nga ba may problema hinggil sa walang tigil na taas-presyo sa karneng baboy.
Kung pagbabasehan umano ang farm gate price sa karneng baboy, naglalaro lang ito sa P240 hanggang P250 kada kilo.
“Hindi dapat umaabot hanggang P450, P400 nga ay medyo mataas na ‘yung pagbenta ng baboy sa palengke. So, at least mabigyan ng chance lahat na magpaliwanag kung bakit umaabot ng ganon ka mahal ‘yung baboy,”ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG
Aminado ang SINAG na may kakulangan talaga sa suplay dahil sa patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF) pero marami naman anila ang suplay ng imported na karneng baboy.
Kaya ipinagtataka ng SINAG kung bakit nananatiling mahal ang presyo ng baboy.
Sa monitoring ng DA, P420 ang presyo sa kasim habang umaabot sa P480 naman kada kilo sa liempo.
Pero kung ang SINAG ang tatanungin, posibleng may nananamantala sa presyo ng karneng baboy dahilan kung bakit ginto ang presyo.
“Tingin natin kasi naka-concentrate sa bigas for the past months kumbaga ay may mga gustong lumusot sa presyuhan obviously may P400 lalo na kung P450. Pero, kung ang farm gate mo ay consistent naman ay nasa P240 to P250 so talagang mayroon. So, kaya kailangan lang mag-uusap para mapin-point kung bakit ganon kataas,” paliwanag ni Cainglet.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pag-aaral ng DA sa planong paglalagay ng Manufacturer’s Suggested Retail Price (MSRP) sa karneng baboy.
“Similar to rice we are also looking in the possibility that DA can also intervene doon sa posibilidad lang on pork,” pahayag naman ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Sa oras mailabas ang pag-aaral dito ay posibleng ipatupad ang MSRP sa karneng baboy sa buwan ng Marso.
Follow SMNI News on Rumble