SINAG, nangangamba na baka magamit ang expired na bakuna sa controlled vaccination vs ASF

SINAG, nangangamba na baka magamit ang expired na bakuna sa controlled vaccination vs ASF

BINISTO ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na may dumating nang bakuna kontra African Swine Fever (ASF) sa bansa noon pang 2023 at napag-alamang expired na. Pangamba tuloy ng grupo na magamit ito sa gagawing bakunahan ng Department of Agriculture (DA) sa mga lugar na apektado ng virus.

Sa lalawigan ng Batangas, daan-daang baboy ang ibinaon sa lupa matapos mahawa ng ASF.

Dahil diyan, nagdeklara na sa buong Batangas ng state of calamity dahil sa epekto ng ASF sa probinsiya.

Ito ay kasunod ng naitalang kaso ng virus sa walong lugar nito sa lalawigan ng Batangas.

Una na ring sinabi ng DA na may 600,000 doses ng bakuna para dito na makatutulong umano para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa bansa.

Nasa 10,000 doses ng bakuna ang bibilhin ng ahensiya na dadaan sa emergency procurement at unang ipamamahagi sa Batangas.

‘Yun nga lang, napag-alaman ng SINAG na may 150,000 doses na umanong bakuna ang nasa bansa na simula pa noong nakaraang taon.

Ipinasok ito ng Vietnamese company sa pag-aakalang maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).

Bigo ang naturang kompanya dahilan kung kaya’t hindi nagamit ang bakuna hanggang na-expired na lamang noong Marso 2024.

Nangangamba tuloy ang grupo na makalusot at magamit ng pamahalaan sa kanilang controlled vaccination lalo’t pinahaba umano ang expiration ng bakuna hanggang sa Disyembre.

 “Sinabi kaagad natin, ino-object natin ‘yung paggamit kasi binili ng government ‘yan. Ibig sabihin, kung ‘yung turukan is may tinamaan na ASF tapos ‘yung strain na tuturukan na vaccine galing Vietnam na baka magkaroon ng mutation,” ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman, SINAG.

Hinimok din ng SINAG ang FDA na maglabas ng resulta sa mga expired vaccine upang matukoy na nararapat na ba itong sirain kagaya na lamang sa mga bakunang expired na noong panahon ng pandemya.

“Dapat ‘yung darating na vaccine 1-year dapat expire date ‘yun ang nakikita natin. Dapat, ang FDA magkaroon ng resulta doon sa naiwan na vaccine kung ano dapat ang gawin para at least hindi magkaroon ng problema dahil hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari kung idi-dispose ang vaccine na naiwan dito sa ating bansa,” ani So.

DA, aminado sa pagdating ng ASF vaccines noong 2023

May paglilinaw naman ang DA kaugnay sa usaping ito.

 “The government will not buy expired vaccines. Magpapadala ulit ng bago. Definitely, ang bakuna ay magiging good for 2 years kapag dumating. Wala pang binibili ang gobyerno, wala pang kahit ano na nasa proseso ng government,” paglilinaw ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Ayon sa ahensiya, walang dapat ikabahala kapag nasa ilalim ng state of calamity ang lugar dahil sa ASF.

Mas makatutulong umano ito para makontrol ang pagpupuslit sa mga infected na baboy at mapaigting ang mga border control.

“Kasi, normally ‘yan ang pinaka-reason kung bakit mabilis kumalat ang ASF kung infected na ‘yung baboy mas gusto pa nilang ibenta pa ulit lalo na kung nagsisimula pa lang ‘yun ang nagiging reason kaya kumakalat,” ani De Mesa.

Para masugpo ang mga nagpupuslit nito ay babayaran ng ahensiya ang mga pinatay na alagang baboy na may ASF upang hindi malugi ang mga magbababoy.

Nagkakahalaga ng P4,000 ang kada kilo ng small size na baboy, P8,000 sa medium at P12,000 naman sa large size.

Sabi pa ng ahensiya, wala pang pinal na datos ang DA sa kung magkano ang halaga ng bakuna na gagamitin sa mga alagang baboy kontra ASF.

Sa ngayon, aabot pa sa higit 250 barangay sa buong bansa ang may kaso pa rin ng ASF.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble