Sindikato na may kinalaman sa foreign worker employment sa Malaysia, arestado ng Immigration

Sindikato na may kinalaman sa foreign worker employment sa Malaysia, arestado ng Immigration

ARESTADO ng Immigration Department sa bansang Malaysia ang isang sindikato na di umano’y ginagamit ang isang programa ng pamahalaan para sa mga dayuhang manggagawa sa bansa.

Ang mga sindikato ay pinaniniwalaang kumita ng halagang aabot sa RM2-M sa pamamagitan ng aktibidad na ito.

Naaresto ng kagawaran ang tatlong dayuhan at isang lokal na lalaki sa opisina ng kompanya ng turismo sa Kuala Lumpur noong Abril 15 at nakuha ang 256 na pasaporte mula sa mga bansa tulad ng India, Bangladesh, at Indonesia at RM7,270 halaga.

Ayon kay Immigration Director-General Khairul Dzaimee Daud, sinusubukan ng sindikato na irehistro ang mga may-ari ng mga nasamsam na passport para sa recalibration program.

Ang sindikato ay pinaniniwalaang nag-operate bilang isang outsourcing company at gumagamit ng ilang dormant na kompanya para makakuha ng quota ng migrant worker sa ilalim ng RTK program.

Ang labor recalibration program ay isang programa ng Immigration Department para gawing legal na manggagawa sa bansa ang mga illegal foreign workers na kasalukuyang nagtatrabaho sa Malaysia.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ang mga naarestong dayuhan sa ilalim ng Immigration Act 1959/63, Passport Act 1966 at Immigration Regulations 1965.

Samantala, muling nagbigay ng payo ang Immigration Department sa mga dayuhang manggagawa at sa mga Malaysian employer na direktang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at huwag gumamit ng mga middlemen o ahente para makakuha ng lehitimong working visa sa ilalim ng recalibration program.

Follow SMNI NEWS in Twitter