WALA pa ngang December ay nagningning na ang mga pailaw at puno na ng Christmas decorations ang mga kabahayan, gusali, at ang iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Pero abiso sa mga customer ng Meralco, ihanda ang mga bulsa dahil may dagdag-singil sa electric billing ang power company ngayong Disyembre.
Ayon sa Meralco, tataas ang kanilang singil sa P0.1048 kada kwh.
Iyan ay katumbas ng P21 para sa mga komukonsumo ng 200 kwh at P52 para sa 500 kwh.
Ang pangunahing dahilan ng dagdag-singil ay dahil sa pagtaas ng generation charge.
“Ang dahilan naman doon sa P0.1839 increase sa generation charge ay dahil sa mas mataas na singil muka sa Wholesale Electricity Spotmarket. Ito po ay tumaas ng P0.25. Tumaas din po ‘yung power supply agreements ng P0.1005,” ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.
Singil sa kuryente sa darating na Bagong Taon, nakaambang tumaas
Pero higpitan pa ang mga sinturon dahil may nakaambang pagtaas sa singil sa kuryente sa darating na Bagong Taon.
Pinayagan na kasi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na irekober ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mahigit P3-B na gastos sa ancillary services na ginastos noong February 2024.
Halimbawa na lamang sa Luzon, magkakaroon ng dagdag na singil sa kuryente ng P0.12 kada kwh sa loob ng tatlong buwan simula Enero 2025.
Sabi ng Meralco, isasama na nila sa susunod na billing ang dagdag na singil sa transmission charge.
Pero may mga posibilidad anila na mapababa pa ang electric billing.
“Well if the generation cost will be lower for the December supply month which will impact on January bills for example mas malaki ‘yung reduction and I’m hoping that it will be really the situation,” wika ni Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.
Power supply sa NAIA, asahang lalakas kasunod ng kasunduan ng New NAIA Infrastructure Corp. at Meralco
Samantala, asahan aniya na wala nang magiging problema sa suplay ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport.
Iyan ay matapos ang nabuong partnership sa pagitan ng New NAIA Infrastructure Corp. at Meralco para palakasin ang suplay ng kuryente sa pangunahing paliparan ng bansa.
“Nagkaroon ng agreement for Meralco to help augment the electrical requirements of the airport by putting substation solely to provide support and assistance para hindi na po mangyari ang nangyari in the past na nagkakaroon ng problema sa mga electrical facilities, etc.,” ani Zaldarriaga.
Sa ilalim ng napagkasunduan ng dalawang kompanya, magpapatayo ang Meralco ng bagong substation na may kakayahang magbigay ng kuryente sa apat na terminal ng NAIA.
Sisimulan ang konstruksiyon ng nasabing pasilidad sa third quarter ng 2025 at target na matapos sa December 2026.
Matatandaan na ilang beses nang nakaranas ng serye ng power interruptions ang NAIA.