INANUNSIYO ng Manila Electric Company (Meralco), araw ng Huwebes na magtataas sila ulit ng singil ngayong Nobyembre.
Nasa 0.23 centavos kada kilowatt per hour ang dagdag-singil.
Katumbas ng P47 na bill sa isang bahay na kumukonsumo ng 200 kilowatt per hour kada buwan.
Habang P177 naman ang madaragdag sa bill kada buwan kung umaabot sa 500 kilowatt per hour ang kinukonsumo.
Paliwanag ng Meralco, ang pagtaas sa singil sa kuryente ngayong Nobyembre ay dulot ng mas mataas na transmission charge na umakyat sa P0.12 kada kilowatt per hour sa mga residential customer.
Ayon kay Lawrence Fernandez, VP at Head of Utility Economic ng Meralco na malaking factor ang mataas na ancillary service charges ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa regulating reserves na tumaas ng halos apat na beses.
Paliwanag ng Meralco, binabayaran ang mga ancillary service o mga reserbang planta na gagamitin sa oras magkaroon ng offline o aberya ang ibang mga power plant.
“Ito ay ginagamit ng system kapag magkamaproblema kung kukulangin at diyan siya magkick-in so there is a cost to that,” ayon kay Joe Zaldariagga, VP & Head of Corporate Communications, Meralco.
“Any power system or any mechanical system naman na ideally we have reserves kasi we want to have certain level of reliability,” ayon kay Lawrence Fernandez, VP & Head of Utility Economic, Meralco.
Bahagya ring tumaas sa P7.19 ang generation charge o halaga ng pagbili ng kuryente ngayon buwan.
Nagmahal din ang singil ng mga Independent Power Producer at maging sa Wholesale Electricity Spot Market.
Hindi sa ngayon masabi ng Meralco kung sa susunod ba na buwan ay magkakaroon ng pagbaba sa singil sa kuryente.
Pero, tuwing ber months ay mababa ang consumption sa kuryente.
“Kapag ganitong ber months mababa ‘yung consumption level hanggang January yan hanggang February pero kapag nagsimula na ang summer months this is, ang technical term namin dito ay seasonality consumption kicks in. Marso hanggang Hunyo ay asahan na ang pagtaas sa consumption. As we know electricity rate are determine by 2 factors, your consumption and the price,” dagdag ni Zaldariagga.
Ito na ang tatlong magkakasunod na buwan na nagpatupad ng taas-singil sa kuryente.