Sinopharm, nag-apply ng EUA ng COVID-19 vaccine sa bansa

NAG-apply na ang Sinopharm ng emergency use authorization (EUA) para sa COVID-19 vaccine sa Food and Drug Administration (FDA) ng bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, inaasahang magiging mabilis hanggang 21 araw ang pag-apruba sa Sinopharm para sa EUA nito.

“It has been filed. They have already filed with the FDA an application for EUA for Sinopharm vaccine,” pahayag ni Roque.

Samantala, hindi pa kinumpirma ni FDA Director General Eric Domingo ang EUA application ng Sinopharm.

Una nang sinabi ni Roque na mas gusto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mabakunahan ng Sinopharm vaccine.

Ngunit hindi pa maipahayag ni Roque kung hihintayin ng Pangulo ang EUA ng FDA para sa Sinopharm o sasailalim ito sa compassionate use license para mabakunahan.

“It will take around 21 days more or less for the FDA to act on the application that has been filed today so hindi ko po alam when the legal opinion of the Malacañang legal office will come out on whether or not he can have his shot under the compassionate use, so whichever comes first,” ayon pa kay Roque.

Aniya, kuwalipikado ang Pangulo na tumanggap ng bakuna mula sa Sinopharm sa ilalim ng compassionate use license dahil siya ang commander-in-chief ng militar.

Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng legal office ng Malakanyang ang posibleng pagbabakuna ni Duterte ng Sinopharm vaccine sa ilalim ng compassionate use license.

SMNI NEWS