INIHAYAG ng mga eksperto na hindi ang Sinovac COVID-19 vaccine mula sa China ang pinakamabisang bakuna para sa mga health worker.
Ito ang inihayag ni Food and Drug Administration Director Eric Domingo.
“Ang rekomendasyon po ng ating mga ekspert hindi ito ang pinakamagandang bakuna para sa kanila,” pahayag ni Domingo.
Ani Domingo, base sa ginawang clinical trial ng Sinovac sa Brazil, nasa 50.4% lamang ang efficacy rate ng bakuna para sa mga health worker na binakunahan.
Sa kabila nito, ligtas naman na gamitin ang bakuna na Sinovac at banayad lamang ang maaring maranasang side effect ng isang taong mababakunahan.
Handang magpaturok ng Sinovac COVID-19 vaccine
Samantala, handa na magpaturok ng Sinovac COVID-19 vaccine si Mayor Isko Moreno.
Ito ay matapos aprubahan ng Food and Drug Administration ang Emergency Use Authorization ng bakunang Sinovac.
Hinimok ni Mayor Isko na magpabakuna na ang mga residente kahit ano pa mang tatak basta’t aprubado ng FDA para sa Emergency Use Authorization.
Ayon kay Mayor Isko, kung siya ang papipiliin ay magpapaturok siya kahit pa 50 porsyento ang efficacy ng bakuna.
Matatandaang noong Enero 29, sinabi ni Mayor Isko na bukas siya sa pagpapabakuna gamit ang Sinovac matapos nitong makita ang report patungkol sa pagpapabakuna ng pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo.