INIULAT ng Malakanyang na magkakaroon na ang Pilipinas ng kabuuang 25 million doses ng bakuna kontra coronavirus disease o COVID-19 mula sa Sinovac ng China.
Pero, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang paunang darating aniya ay 50,000 doses lamang sa susunod na buwan, ayon ito sa Department of Health (DOH).
Giit ng kalihim, ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat para mapaaga ang pagdating ng COVID-19 vaccine.
“Sabi niya (Pangulong Rodrigo Duterte) ‘no way na July pa darating ‘yan.’ So, ngayon Pebrero. Talaga naman kapag ang presidente ang nagsalita ay talagang heaven and earth ay imo-move natin para dumating ang bakuna sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Roque.
May pasaring naman si Roque sa mga kritiko ng gobyerno ukol sa usapin ng pagkuha ng bakunang Sinovac mula China.
“Ano ba ang Sinovac na ito kasi ang mga kalaban ng gobyerno talagang walang tigil sa reklamo. Dati rati walang bakuna, ngayong narito na ang bakuna, ‘ay naku hindi ‘yan ligtas!’ Well, huwag po kayong makinig diyan sa mga walang matinong magawang mga kalaban ng gobyerno. Alam niyo po kaya hindi dumaan sa clinical trials sa China mismo ang Sinovac at Sinopharm at Casinovac, dahil po halos wala na silang kaso ng mga COVID. So, nag-clinical trials sila sa abroad doon sa maraming kaso,” ayon pa kay Roque.
Ibinahagi ni Roque na sa isinagawang clinical trial ng Sinovac sa Turkey, ayon aniya sa nasabing bansa, 91.25 percent ang efficacy rate nito.
Binigyang diin ng tagapagsalita ng Palasyo na ligtas at epektibo ang Sinovac.
Sa Thailand naman, ani Roque, dalawang milyong Sinovac vaccine ang kanilang kinuha at darating din sa bansa nila sa buwan ng Pebrero.
Habang sa Indonesia naman ay uumpisahan na rin sa Enero 13 ang pagtuturok sa mga mamamayan ng naturang bansa gamit ang bakunang Sinovac na pangungunahan ni President Joko Widodo.
Dagdag pa ni Roque, pagdating naman ng Hunyo, darating na ang Pfizer at sa July naman, ang AstraZeneca.
Maliban dito, ibinahagi ng Palasyo na pumirma na ang pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ni Vaccine czar sec. Carlito Galvez Jr. at Serum Institute of India at Faberco Life Services, Inc. ng isang kasunduan para sa 30 million doses ng Covovax.
Inilahad naman ng gobyerno ang priority areas para sa pagbabakuna na kinabibilangan ng National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Region XI at Region IV-A.
Ang populasyon naman na kasama sa prayoridad ng COVID-19 vaccination ay ang frontline health workers, indigent senior citizen, remaining senior citizen at indigent population at ang uniformed personnels.
Sang-ayon sa World Health Organization o WHO, mayroon ng 42 na mga bansa na nag-rollout ng ligtas at mabisang bakuna laban sa coronavirus.