APRUBADO na ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng Chinese company Sinovac Biotech para sa Emergency Use Authorization (EUA) dito sa Pilipinas.
Ito ang inanunsyo ni FDA Director General Eric Domingo sa laging handa public briefing ngayong araw kung saan ang Sinovac ang maaaring magiging unang bakuna na makararating sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Domingo na tumagal ang pagre-rebyu sa EUA application ng Sinovac.
Dahil sa hindi kumpletong dokumentong isinumite nito sa FDA kaugnay ng clinical trials ng bakuna.
At dahil nabigyan na ng EUA ang Sinovac, maaari nang ibiyahe ang 600,000 doses ng bakunang donasyon ng China.
Mababatid na hinihintay na lamang ng Beijing ang paggawad ng emergency use sa Sinovac vaccines bago i-transport ang mga ito sa Pilipinas.
Kaugnay ng pag-apruba ng EUA sa Sinovac, inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang pulong balitaan na kailangan aniya ng pamahalaan ng China ng tatlong araw mula ngayong araw para maiparating ang Sinovac sa bansa.
Kasunod nito, nakahanda namang magpabakuna ng Sinovac si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kung papayagan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi inirerekomendang iturok sa senior citizens at healthcare workers
Ang Sinovac ay mayroong average efficacy na 65.3% hanggang 91.2% at may lower efficacy na 50.4%.
Dahil sa naitalang lower efficacy, hindi inirerekomenda ng FDA ang Sinovac na gamitin ng mga senior citizen at healthcare workers.
Sambit ni Domingo, pahihintulutan lamang ang pagturok ng Sinovac sa malulusog na indibidwal na nasa 18 hanggang 59 taong gulang.
Priority list sa pagbabakuna, maaaring baguhin
Matapos na magkaroon ng kondisyon ang FDA sa paggamit ng Sinovac, sabi ng Palasyo na magpupulong ang National Immunization Technical Advisory Groups (NITAGs) na silang bumuo ng list of priorities sa pagbabakuna.
Gayunpaman, inilahad ni Secretary Roque na pinagbabatayan ang sinabi ng mga health expert, na ang 50% efficacy rate ay “very much accepted” hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa World Health Organization (WHO).