Sinovac vaccine para sa Tuguegarao at Zamboanga City, ihahatid ngayong araw

INAASAHANG ngayong araw ay darating ang mga Sinovac COVID-19 vaccine sa Tuguegarao City North Luzon at Zamboanga City sa Mindanao.

Mamayang ala una y media ng hapon, nakatakdang umalis mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang CebGo Flight DG6021 na magdadala ng mga Sinovac vaccine patungong Tuguegarao City.

CebGo Flight DG5681 naman ang magdadala ng mga bakuna mula pa rin sa Sinovac sa Zamboanga City na aalis mamayang alas singko kwarenta ng hapon.

Una na ring nagpadala ang pamahalaan ng 55,200 dosis ng Sinovac vaccines sa Davao, Cagayan de Oro City , Legaspi at Cotabato na isinakay ng iba’t-ibang flights ng Philippine Airlines.

Samantala, alas 8:06 kaninang umaga nang dumating ang unang batch ng Sinovac vaccines sa Tacloban Airport para sa health workers sa Eastern Visayas.

Ayon kay Department of Health -8 Regional Director Exuperia Sabalberino, ang 7,200 vials ng Sinovac vaccine ay nakalaan para sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) at Divine Word Hospital sa Tacloban City, at Schistosomiasis Hospital sa Palo, Leyte.

Dumating na rin sa Occidental Mindoro ang Sinovac vaccine.

Sinabi ni Provincial Health Officer Dra. Ma. Teresa Vergara-Tan na 750 dosis ng bakuna ang dumating sa probinsiya.

Nasa 2,000 dosis naman ng nasabing bakuna ang dinala sa cold storage facility sa Region 1 medical center sa Dagupan City, Pangasinan.

SMNI NEWS