Sinserong hakbang ang ginawa ni Sec. Abalos na pagbitiwin ang mga opisyal ng PNP –Sen. Revilla

Sinserong hakbang ang ginawa ni Sec. Abalos na pagbitiwin ang mga opisyal ng PNP –Sen. Revilla

WALANG nakikitang masama si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. hinggil sa panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na magsumite ng courtesy resignation ang mga senior officer ng Philippine National Police (PNP).

Nabatid na hiniling ni Abalos na magsumite ng resignation ang lahat ng opisyal ng PNP na may ranggong Full Colonel at General kasunod ng ulat na may mga mataas na opisyal na sangkot sa operasyon ng bawal na gamot, ngunit wala naman umanong dapat ikabahala ang walang kinalaman.

Sinabi ni Revilla na kailangan umano ang hakbanging ito para sa confidence-building sa pagitan ng pamunuan ng bansa, ang PNP mismo at ang publiko na kaisa sa pagpapakita ng tiwala sa pulisya lalo na sa mga opisyal ng PNP.

“Maganda rin ang naging tugon ng kabuuan ng PNP na kahit ang mismong Chief PNP ay nakiisa na isang sinserong hakbang na mas prayoridad nila ang kaayusan kesa sa kani-kanilang mga sarili,” saad pa ni Revilla.

Ayon pa sa mambabatas, ang naturang courtesy resignation umano ay hindi laban sa kabuuan ng PNP kung hindi isang malinis na hakbangin ng DILG na linangin at mapanatili ang tiwala ng publiko sa buong kapulisan.

“The PNP holds its personnel to the highest standards – lalo na yung mga nasa mabababang ranggo na araw-araw nating nakikita. It’s good to show that the organization also holds those in the highest ranks to at least same standards, maganda na makita yan ng publiko,” pagwawakas pa ni Revilla.

Follow SMNI NEWS in Twitter