NAGHAHANDA na ang Siquijor para sa muli nitong pagbubukas sa domestic tourist sa susunod na buwan.
Ayon kay Suquijor Gov. Zaldy Villa, target nilang muling buksan ang probinsya para sa mga turista sa Marso kung pahihintulutan ng Inter-Agency Task Force.
Sa ngayon aniya ay tinatrabaho na ng provincial government ang COVID-19 safety protocols na ipatutupad sa muli nitong pagbubukas.
Kabilang aniya sa kanilang ire-require sa mga travelers ay ang negative RT-PCR o Rapid Antigen Test, travel authority mula sa pinanggalingang local government unit at confirmed booking sa accredited accommodation.
Nakikipagtulungan na rin ang lokal na pamahalaan ng Siquijor sa Department of Tourism (DOT) at sa mga pribadong sektor para sa paghahanda sa reopening gaya ng pag-inspeksyon sa mga hotels at iba pang tourism enterprises.
Sa kaparehong panahon noong nakaraang taon bago ang lockdown, tinatayang mahigit 143,000 same-day visitor arrivals ang naitala sa Siquijor at mahigit 37,000 overnight visitor arrivals noong Enero hanggang Pebrero 2020.