Sitwasyon ng mga Pilipino sa Libya, patuloy na tinututukan – DFA

Sitwasyon ng mga Pilipino sa Libya, patuloy na tinututukan – DFA

PATULOY na tinututukan ngayon  ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli (Tripoli PE) ang sitwasyon sa bansang Libya sa kabila ng patuloy na lumalalang tensyon doon.

Nagbigay ng advisory ang Embahada ng Pilipinas sa Tripoli kung saan pinag-iingat ang mga kababayang Pilipino sa Libya habang patuloy ang matinding tensyon doon.

Hinihimok ng DFA ang mga Pilipino sa Tripoli at mga kalapit na distrito na iwasan ang mga lugar kung saan nagaganap ang sagupaan.

Pinapayuhan ang mga kababayan na manatili sa kanilang pamamahay o sa mga lugar na ligtas.

At sa pamamagitan ng hotline number, hinihikayat ang mga Pilipino na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy doon  para sa kanilang agarang tulong sakaling nangangailangan ang mga ito.

Sa ngayon ayon kay  DFA spokesperson Ma.Teresita Daza, wala pang natatanggap na ulat tungkol sa mga Pilipinong nasaktan o nasugatan sa mga sagupaan sa lugar.

“To date, no report of Filipinos hurt in the said clashes,” ayon kay Daza.

Higit dalawang libong Pilipino ang nasa Libya na karamihan ay mga professionals gaya ng nurses at iba pang nagtatrabaho sa ospital, ang iba din sa kanila ay mga  university instructors, at skilled workers  sa sektor ng langis at gas.

Sinasabing ang seguridad sa Libya ngayon ay nanatiling nasa panganib.

Pangunahin dahilan dito ay ang  pasulput-sulpot na labanan at mga armadong sagupaan sa pagitan ng iba’t ibang magkatunggaling grupo ng milisya sa buong bansa.

Ang mga insidente ng pagkidnap, political assassinations, criminal activity at pag-aaway sa pagitan ng magkasalungat na grupo ng milisya ang pinakamatinding problema sa Libya.

Follow SMNI News on Twitter