MAS lumala raw sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang sitwasyon ng Pilipinas pagdating sa usapin ng politika at economic stability ayon sa isang geopolitical analyst.
Sa bagong termino bilang ika-47 na pangulo ng Estado Unidos, maraming mga hakbang ang agad na ipinag-utos ni President Donald Trump sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Kabilang na rito ang isang executive order na layong siyasatin at itama ang umano’y paggamit ng Biden administration ng kapangyarihan ng pamahalaan laban sa mga kalaban sa politika.
Iimbestigahan din ang Anti-Christian bias para suriin at itama ang mga patakaran at gawain sa loob ng pederal na pamahalaan na itinuturing na laban sa mga Kristiyano.
Sa panayam naman ng SMNI News sa isang geopolitical analyst na si Herman Tiu-Laurel o kilala rin bilang “Ka Mentong“, maituturing niya itong magandang hakbang para sa ibang mga bansa lalo na sa Pilipinas.
“Ngayong bagong pagbabalik ng Estados Unidos na pinipilit ni President Trump dun sa more traditional values and this is good for the stability of humanity, stability of the world. I think dito sa Pilipinas marami din tayong ganyang problema sa values system natin na tinutulak ng ilang mga sektor sa lipunan natin na nakakapanggulo sa kaisipan ng Pilipino,” pahayag ni Herman Tiu Laurel, Geopolitical Analyst.
Sabi pa niya, mas lumala lang ang sitwasyon sa bansa lalo na sa usapin ng pulitika sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Sa Pilipinas I think nabulabog talaga tayo dito sa panahon ng mga dilaw ng napakatagal, and I think lumalala po ang sitwasyon under President Bongbong Marcos, that is why I think it’s important to balance off this situation sa Pilipinas, by having more political leaders that will be bringing the country back to a more stable and traditional values,” dagdag niyang paliwanag.
Pagdating naman sa usapin ng ekonomiya at food security ng bansa, ang Pilipinas ay tinaguriang agricultural country pero tayo ay namomroblema dahil umaasa pa rin ang bansa sa pag-aangkat ng iba’t ibang mga produkto.
Dagdag pa ni Ka Mentong, dapat tularan ng kasalukuyang administrasyon ang naging liderato nina Ferdinand Marcos Sr., at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte pagdating sa food security ng bansa.
“Hindi ‘yan magbabago until we change our economic direction and economic perspective and philosophy at kailangan ang isang lideratong pambansa tulad ng panahon ni Duterte, tulad ng panahon ni Marcos Sr., na conscious sa self-sufficiency sa pagkain ng bansa, dun lang po ang seguridad ng isang bansa, at mamamayan ng isang bansa,” aniya pa.
Matatandaang inihayag ng bansang Cambodia na nakahanda silang mag-supply ng bigas sa Pilipinas bilang suporta sa pagsusulong ng food security sa bansa.