Smartmatic, inilutang na nasa likod ng demoliton job vs COMELEC

Smartmatic, inilutang na nasa likod ng demoliton job vs COMELEC

SA huling pagkakataon, ay nagsalita si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia hinggil sa umano’y paninira, akusasyon at demoliton job laban sa kaniya.

Ang mga alegasyon sa COMELEC Chief, ay ang pagkakaroon niya ng 49 offshore bank accounts at ang bribery kapalit ng kontrata ng komisyon sa Korean firm na Miru Systems, ang bagong service provider ng COMELEC para sa 2025 Elections.

Ang nagbunyag nito kamakailan ay si Rep. Rodante Marcoleta.

Sa Press briefing ng COMELEC, araw ng Huwebes, inilutang ni Garcia, na ang Smartmatic na dating service provider ng komisyon ang nasa likod ng demolition job.

Sa presentation nito, ang kompanyang Jaleo Consulting Inc. na pag-aari ng isang Jose A. Herrera ay nagsagawa o nagkaroon ng bank deposits sa isa sa mga bank accounts sa Cayman Islands na inaakusa sa kaniya.

Sa claims ni Marcoleta, nakatanggap ang naturang bangko ng pera mula sa mga bangko sa South Korea.

Batay sa research na ginawa ng komisyon, lumalabas na si Herrera ay director ng Albatross Techonologies Corporations.

Ito ay naging legal counsel din aniya ng Smartmatic at ang father-in-law ng isa sa mga may-ari ng service provider.

Parehas din aniya ang address ng Albatross Technologies sa address ng Smartmatic sa Amerika.

“Sana masagot ang katanungan kong ito, wala po akong binibintang. Bakit po naman ang address ng Albatross Company ng sinasabi ko ay parehas sa dati nating provider. Coincidence lang ba ‘yan. Bakit parehas ang address? Father-in-law ng ating provider,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Ayon kay Garcia, sumulat na siya sa US Department of Justice para maimbestigahan ang insidente.

Tinanggi rin ni Garcia na mayroon siyang mga bank accounts sa ibang bansa at maging ang 6 na local bank accounts na nasa pangalan nito.

Naglabas na rin ng certification ang iba’t ibang bangko at pinabulaanang may account sa kanila si Garcia.

Samantala, naglabas din ng pahayag ang Smartmatic kung saan kinalulungkot nilang marinig ang akusasyon ni Garcia.

Ayon sa kompanya, hindi sila sangkot o nasa likod ng anumang demolition job sa COMELEC Chief at tinawag na hindi patas at hindi makatarungan ang mga akusasyon.

 “We are saddened to hear the latest accusations made by COMELEC Chairman George Garcia about Smartmatic. Our company is not involved nor is behind any of the claims made by Chairman Garcia against us. Such accusations are both unfair and unjust,” pahayag ng Smartmatic.

Iginiit ng kompanya na ang kanilang pokus ngayon ay ang mga kasong isinampa sa kanila sa Korte Suprema na wala umanong batayan at haka-haka lamang.

“Our focus solely remains in prioritizing our legal efforts on the case filed in the Supreme Court of the Philippines. Any suggestion to the contrary is baseless and mere speculation,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble