MAGLALAAN ang SM Investments Corp. (SMIC) ng P3-B kada taon para sa pagpatatayo ng karagdagang 300 megawatts ng geothermal power facilities.
Ito ay sa pamamagitan ng subsidiary nito na Philippine Geothermal Production Company Inc. (PGPC).
Sa isang pahayag nitong Martes, tataasin ng PGPC ang geothermal capacity nito sa humigit-kumulang 600 MW kasama ang mga bagong exploration projects nito sa Kalinga, Daklan at Cagayan sa Northern Luzon gayundin sa Mount Labo at Malinao sa Southern Luzon.
Ayon kay SMIC President and Chief Executive Officer Frederic Dybuncio, ang nasabing proyekto ay sumusuporta sa layunin ng gobyerno na pataasin ang share ng renewable energy sa paghahalo ng enerhiya ng bansa sa 35 porsiyento sa taong 2030.
Dagdag pa nito, maliban sa paggamit ng clean energy, nakatutulong din ang mga pasilidad na itatayo na bawasan ang carbon dioxide footprint na hindi bababa sa 57.5 bilyong kilo, o katumbas ng 188,802 ektarya ng mga puno.