SMNI, dumulog sa Office of the President para iapela ang desisyon ng MTRCB sa mga programa nito

SMNI, dumulog sa Office of the President para iapela ang desisyon ng MTRCB sa mga programa nito

DUMULOG ang mga abogado ng Sonshine Media Network International (SMNI) na sina Atty. Mark Tolentino at Rolex Suplico sa Office of the President matapos na ibasura ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang apela ng SMNI na baguhin ang desisyon nitong suspensyon sa mga programa ng network.

Noong Disyembre, nagpatupad ng 14 araw na preventive suspensyon ang MTRCB sa mga programang “Gikan sa Masa Para sa Masa” ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at “Laban Kasama ang Bayan” sa SMNI.

Ayon sa MTRCB, may mga nilabag anilang guidelines ang mga nabanggit na programa ng SMNI.

Pero isang buwan matapos ang dismissal ng unang kaso ng network sa MTRCB ay muli na namang sinuspinde ng ahensiya ng panibagong 14 araw ang mga nabanggit na programa.

Pero ayon sa mga abogado ng SMNI, hindi ito makatarungan dahil wala naman anilang nakalagay na complainant sa kasong kinakaharap ng SMNI sa MTRCB, tanong nila mayroon rin kayang umiiral na secret complainant sa panahon ngayon ni Pangulong  Ferdinand R. Marcos, Jr. gaya noong panahon ng kaniyang ama?

“Kung makita niyo ang title, hindi natin makita ang complainant,” ayon kay Atty. Rolex Suplico, SMNI Lawyer.

“Paano ‘yung due process of law kung hindi natin alam kung sino ang complainant,” ayon kay Atty. Mark Tolentino, SMNI Lawyer.

Ayon pa sa mga ito, kasabay ng pag-apela sa Office of the President ay malalaman na rin anila ng lahat kung ano talaga ang katayuan ni Pangulong Marcos sa sitwasyong kinakaharap ng SMNI.

 “Nag-apela po tayo sa office of the president,” ani Tolentino.

Umaasa naman anila ang SMNI na magiging impartial ang opisina ng Pangulo at magdedesisyon ng naaayon sa Saligang Batas.

“Well hindi tayo umaasa na magkakaroon tayo ng hustisya sa MTRCB,” wika ni Suplico.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble