HUMAKOT ng iba’t ibang pagkilala ang Sonshine Media Network International (SMNI), mga personalidad nito at ilang programa sa katatapos lang na Asia’s Golden Icons Awards 2022.
Congratulations kay Pastor Apollo C. Quiboloy dahil sa panibagong pagkilala na naman na ipinagkaloob sa SMNI.
Matatandaang nito lamang nakaraang mga buwan, mula sa mga programa ng SMNI at adhikain na maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng magagandang balita at positibong pananaw sa mga nangyayari sa bansa, kaliwa’t kanang pagkilala na ang tinanggap nito mula sa iba’t ibang award giving bodies sa bansa.
Ngayong taon, humakot din ng hindi lang isa, kundi apat pang parangal ang SMNI sa katatapos lang na Asia’s Golden Icons Awards 2022 dahil sa mga makabuluhan nitong pagbabalita at paghahatid ng serbisyong tama sa mamamayang Pilipino.
Sa kabuuan, umabot na sa 11 awards and recognitions ang tinanggap ng SMNI mula sa mga natatangi at kilalang award giving organizations na kumikilala sa mga natatanging indibidwal hindi lang sa bansa kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nakuha ng SMNI News ang plaque of recognition para sa serye nito kaugnay sa masamang dulot ng iligal na droga sa bansa kasabay ng pagtuturo kung papaano ito maiiwasan sa ilalim ng programang isinulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang SMNI Special Report on War on Drugs.
Matatandaang, isa ang anti-illegal drugs campaign ng Duterte administration sa naging kontrobersiyal na polisiya ng pamahalaan pero maraming Pilipino ang pumabor sa nasabing programa at umaasang maipagpapatuloy ito hanggang sa susunod na administrasyon.
Muli ring kinilala ang SMNI News bilang Most Rising Network in the Philippines at bilang pagkilala sa kontribusyon nito sa paghahatid ng tamang impormasyon at balanseng pagbabalita.
Bukod dito, kinilala rin ang ilang personalidad ng network na naging kasama ng mamamayan mula umaga hanggang hatinggabi mula sa makabuluhang pagbabalita at paghimay sa maraming isyu at suliranin sa bansa at sa gabay ng Honorary Chairman Rev. Dr. Pastor Apollo C. Quiboloy, patuloy na naging tulay sila sa pagsusulong ng mga pagbabago ng bansa kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Kinilala ang SMNI anchor-reporter na si MJ Mondejar bilang Most Promising Young Journalist and Field Reporter in the Philippines at Admar Vilando bilang Outstanding Broadcast Journalist and Program Host of the Year.
Nauna nang ipinangako ng butihing Pastor ang karangalan na maging ilaw ng katotohanan para sa bayan at maitanim sa bawat Pilipino ang malasakit sa Pilipinas nating mahal.
Bukod sa mga nabanggit na mga pangalan at personalidad, tumanggap din ng parangal ang mga kilalang artista, mga propesyunal, at mga negosyante sa bansa.
Personal ding dinaluhan ng awardees na sina Senator Robin Padilla at asawa nitong si Mariel Rodriguez ang aktibidad habang nagbigay naman ng kanyang mensahe ang dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senator Bong Go bilang isa rin sa mga recepients ng Asia’s Golden Icons Awards ngayong taon.