HUMIGIT-kumulang 1,000 ang nakapagrehistro na Grab driver at delivery partners sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), at Pag-IBIG Fund ng Social Protection Program ng Grab Philippines kamakailan.
Layon ng Grab na protektahan ang mga driver at delivery partners nito sa pamamagitan ng pagsuporta, pagtuturo at pag-uugnay sa iba’t ibang social welfare services ng gobyerno.
“Ang Grab ang pinakaunang platform sa Pilipinas na nakapaglunsad ng isang malawakang multi-agency social protection program para sa kapakanan ng mga driver at delivery partners. Ang programang ito ay bunga ng ilang buwang pakikipag-usap sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno. Kaya naman, hinihikayat namin ang ating mga driver at delivery partners na magparehistro at maging miyembro. Ang serbisyo ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG ay available sa ating Grab Partner Center sa Marikina para sa mas mabilis na proseso,” saad ni Grace Vera Cruz, Grab Country Head.
Kaakibat ng Grab ang mga ka-partner na mga ahensya ng gobyerno kasabay ng selebrasyon ng ‘Buwan ng Tagapaghatid Family Day Celebration’ sa Quezon City Memorial Circle noong Nobyembre.
Ibinahagi ng SSS, Pag-IBIG at PhilHealth sa mga Grab driver at delivery partners ang mga pakinabang ng mga social protection systems, at iba pang benepisyo nito sa mga partner at kanilang mga pamilya.
“Malaking tulong sa amin ang subsidy ng Grab para sa paunang buwan na contribution para masimulan namin ang aming paghuhulog – pero mas malaking tulong ang ginawa nila na ilapit kami sa SSS, Pag-IBIG at PhilHealth,” ayon kay GrabCar Driver Gleen Bajamunde.
Sagot naman ng Grab ang unang buwanang kontribusyon ng higit kumulang na 1,000 Grab partners na nagpa-rehistro noong Grab Family Day sa Quezon City at Maynila.
Ang Social Protection Program ng Grab ay naunang nailunsad sa Metro Manila at palalawigin pa sa iba’t ibang bayan at lungsod na may Grab operations sa buong Pilipinas.
“Ang partnership na ito ng Grab ay kaisa sa layunin ng SSS na maabot ang mga self-employed workers upang mahikayat silang mag-register bilang self- employed SSS members, magbayad ng contribution, at makapag-apply sa mga benepisyo at loans sa panahon ng pangangailangan. Nawa’y ang inisyatibong gaya nito ng Grab ay magsilbing inspirasyon para sa ibang kumpanya upang magstep-up na hikayatin ang kanilang mga gig workers na maging self-employed SSS members upang mapakinabangan nila ang mga available na government social protection programs,” sabi ni Carlo Villacorta, Department Manager of the Professional Sector Department and Acting Head of the Cooperatives and Informal Sector Department of SSS.
Binigyang-diin naman ni DOLE Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III ang kahalagahan ng social insurance at welfare coverage para sa mga Grab delivery- and driver-partners noong Grab Family Day sa Maynila.
“Inaanyayahan ko ang lahat ng driver-partners ng Grab na magsimula nang maghulog ng SSS, Pag-IBIG at PhilHealth premiums. Maswerte tayo sa paunang tulong na binigay ni Grab para makapagsimula tayo sa ating buwanang contribution sa SSS, Pag-ibig at PhilHealth. Alam natin na sa ngayon, na bumabalik ang dine in at unti-unti nang bumababa na ang demand sa food delivery. Sana ay mabigyan kayo ng pagkakataon na maka-serve sa pamamagitan ng motorcycle taxi para tao naman ang inyong mahatid,” ayon kay DOLE Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III.