ISASAGAWA ngayong araw ang soft opening ng bagong renovated ng Manila Zoo pero bubuksan ito sa publiko sa susunod na taon.
Pangungunahan ang nasabing aktibidad nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Doktora Honey Lacuna kasama rin ng iba’t ibang ahensya ng Manila LGU.
Ayon kay Mayor Isko ang soft opening ng Manila Zoo ay bilang thanksgiving treat ng nasa 1,300 na mga construction workers at kasama ng mga pamilya nito bilang unang bibisita sa naturang pasyalan.
Una nang sinabi ni Yorme na hiniling niya sa Manila City Council na pinamumunuan ni Vice Mayor at Presiding Officer Honey Lacuna at Majority Floor Leader Atty. Joel Chua na bumuo ng ordinansa sa lungsod na magkaroon ng bagong admission rate para sa bagong-renovate na Manila Zoo na inaasahang pormal na magbubukas sa publiko sa susunod na taon.
Ayon kay Parks and Recreation Bureau Director Pio Morabe, ang dating admission rate ng zoo ay P50 para sa mga Manilenyo at P100 para sa mga hindi taga Maynila at ang pagpapalit ng mga presyo ay mangangailangan ng bagong ordinansa mula sa konseho ng lungsod ng Maynila.
Bukod pa sa mga ipinag-utos ng pamahalaang lungsod sa ngayon, humiling din ang alkalde sa mga mabubuting tao o grupo na mag-donate o magpahiram ng mga hayop.
Sinabi din ni Mayor Isko ang pamahalaan lungsod ay bibili din ng flamingos na ilalagay sa naturang zoo.
Sa ngayon, nagsususumikap din ang Manila City government na magkaroon din ng elepante para may makasama ang limapung taong gulang na elepante sa zoo na si Mali.
Tatawagin namang Posam ang elepante na makakasama ni Mali.
Ang Mali at Posam ay mga salitang kanto o balbal na ibig sabihin Lima at Sampu.
Inihayag din ni Yorme na ang bago, modernong mga kulungan ay magbibigay-daan sa publiko na masusing tingnan ang mga hayop.
Ang bagong sewage treatment plant sa loob, ani Moreno, ay isang karagdagang pasilidad na magtitiyak na ang zoo ay hindi magdadagdag ng anumang polusyon sa Manila Bay.
Matatandaang isinara ang nasabing zoo noong Enero 2019, matapos ituro ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang dumi nito ang dahilan ng pangunahing pollutant sa Manila Bay.
Pag-upo ni Mayor Isko bilang alkalde ng Maynila ang isa sa mga tinutukan niya magkaroon ng rehabilitasyon ang Manila Zoo.
Matatandaan unang binuksan ang Manila Zoo noong 1959.
Ayon sa Manila PIO, 5:30 mamayang hapon ang naturang soft opening pero maaari namang payagan ang mga media na pumasok ng 1:00 hanggang 3:00 ng hapon.