TINAWAG ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na basura ang paratang ng Teves camp na may mga matataas na opisyal ng Department of Justice (DOJ) ang nag-alok ng pera kay Marvin Miranda para tumestigo laban sa suspendidong kongresista.
Sa isang pahayag, ipinaalam ni Atty. Ferdinand Topacio, ang lead counsel ni suspended Cong. Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. na mayroon aniya itong natanggap na intel report.
Mayroon aniya mga high-ranking officials ng DOJ ang nag-alok ng milyong-milyong halaga ng pera sa akusadong si Marvin Miranda para tumestigo laban kay Teves.
Si Marvin na lang umano kasi mula sa 11 suspek na hawak ng NBI ang hindi pa nakapagbibigay ng kaniyang sworn statement hinggil sa Degamo murder.
Habang ang 10 ay bumaliktad na ng salaysay.
“Certain high-ranking officials of the Department of Justice have offered a huge amount of money — running into the tens of millions of pesos — to Marvin Miranda, one of the suspects in the killing of Negros Oriental Governor Roel Degamo.”
“We are verifying these reports, but rest assured that they come from sources which have been reliable in the past,” pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio.
Pero si DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, naging maikli ang pahayag hinggil dito at tinawag na basura ang alegasyon ng Teves camp.
At sa mga paghahamon ng Teves camp sa kalihim gamit ang social media, ayon kay Remulla mas mainam na umuwi na lamang ng bansa ang kongresista.
Mayroon na aniyang subpoena para kay Teves at ito ang dapat niyang sagutin.
Hirit pa ni Remulla, huwag idaan ng Teves camp sa biro-biro ang nangyaring pagpatay kay Degamo.
Sa Hunyo 13 ay magsisimula na ang preliminary investigation para sa mga patong na patong na reklamo ng murder na inihain ng NBI laban kay Teves para sa Degamo case.