SolGen, naghain ng petisyon laban sa COMELEC-Rappler MOA sa Korte Suprema ngayong araw

SolGen, naghain ng petisyon laban sa COMELEC-Rappler MOA sa Korte Suprema ngayong araw

NAGHAIN ng petisyon ngayong araw ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema para kwestiyunin ang legalidad at kung naaayon sa batas ang  Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng Commission on Elections (COMELEC) at Rappler.

Sa pangunguna ni Solicitor General Jose Calida, hihilingin ng mga abogado ng gobyerno sa korte na ipatigil ang kasunduan ng COMELEC at Rappler sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) o di kaya ay writ of preliminary injunction.

Ayon sa ahensiya, pangunahing respondent dito si acting COMELEC chairman Socorro Inting at si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa.

Kabilang sa mga isyu na ilalahad ng OSG ang dual citizenship ni Ressa dahil nakasaad sa ilalim ng batas na tanging pinapayagan na mag-aari ng media entity sa Pilipinas ay mga Pilipino lamang.

Matatandaan na binawi ng Securities and Exchange Commission ang Certificate of Incorporation ng Rappler Inc. at Rappler Holdings Corp. dahil sa umano’y paglabag sa Saligang Batas hinggil sa foreign ownership sa mass media.

Noong Pebrero 24 pormal na nilagdaan ng COMELEC ang partnership agreement nito sa Rappler.

Ayon sa naturang kasunduan, ang Rappler ang nagsasagawa ng fact-checking, mga content production kaugnay sa eleksyon at voting awareness promotion sa eleksyon.

Kamakailan lang din ay hiniling ni Calida sa COMELEC na ipawalang bisa ang nasabing MOA.

Matatandaan na ang Rappler ay kilalang kritiko ng gobyerno at itinuturing din na pinaka-hindi pinagkakatiwalaang news media organization sa bansa.

Follow SMNI NEWS on Twitter