Sonshine Philippines Movement at Winder Recycling Company, magsasanib-puwersa sa pagre-recycle ng mga nakolektang plastik na basura

Sonshine Philippines Movement at Winder Recycling Company, magsasanib-puwersa sa pagre-recycle ng mga nakolektang plastik na basura

HINDI maitatanggi ang nakababahalang dami ng plastik na basura sa Pilipinas.

Araw-araw, ang mga Pilipino ay gumagamit ng humigit-kumulang 212 milyong sachet at shopping bag, kung saan karamihan sa mga ito ay nauuwi sa mga tambakan ng basura o, mas malala, sa ating karagatan.

Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral noong 2021 ng isang NGO sa Netherlands, 36% ng plastik na basura sa karagatan ay nagmumula sa Pilipinas, dahilan upang maging pangunahing tagapag-ambag ang bansa sa pandaigdigang krisis sa plastik.

Bilang bahagi ng layuning magtatag ng isang mas malinis at luntiang Pilipinas, ang Sonshine Philippines Movement (SPM) ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa Winder Recycling Company upang ma-recycle ang mga plastik na makokolekta mula sa kanilang mga cleanup drive at tiyaking hindi na ito muling mapupunta sa mga tambakan ng basura.

Kamakailan, nakausap ng SPM si Mechanical Engr. Winchester Lemen, CEO at Presidente ng Winder Recycling Company. Ibinahagi niya ang kanilang adbokasiya na gawing kapaki-pakinabang ang mga plastik na basura na karaniwang nauuwi sa mga sanitary landfill.

“Ito ay isang parte ng pagpapaunlad at pagpapalinis ng ating bayan. Kasi ang battlecry natin is zero waste sa Davao City. So kaakibat ng zero waste is mag-recycle ng plastic waste,” ayon kay Engr. Winchester Lemen, Presidente ng Winder Recycling Company.

Gamit ang makabagong makinaryang kaniyang idinisenyo at ginawa, ang Winder Recycling Company ay gumagawa ng mga paso, recycling bin, upuan, mesa, iba pang kasangkapan, produktong pang-industriya, at maging mga pre-fabricated na bahay.

Ang mga solusyong ito ay nagbibigay ng praktikal na paraan upang harapin ang lumalalang problema sa plastik na basura habang ipinapakita ang likhang-isip at kakayahan ng mga Pilipino.

“Pastor, kung maalala mo nung naglalaro pa tayo ng basketball, parati kong sinasabi na makakatulong tayo sa environment. At ito ay isang malaking solusyon para ‘di na tayo magkakaroon ng problem sa pagre-recycle ng plastic wastes. Mabuhay ka Pastor. Alam ko na nagkakaroon tayo ng problema pero masosolusyunan natin ang mga problema na ‘yan,” wika ni Lemen.

Sonshine Philippines Movement volunteers, pinangunahan ang paglilinis ng mga estero sa Agdao, Davao City

Isa sa mga cleanup drive ng SPM ay sa Coreas, Brgy. Leon Garcia Senior, Davao City.

Maliban sa mga kalsada, pinapangunahan ng mga boluntaryo ng SPM ang paglilinis ng baradong estero na puno ng plastic at iba pang basura.

Ang inisyatibo ay naglalayong mapabuti ang daloy ng tubig at maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga residente sa lugar.

Kung ang bawat armchair na ginagawa ng Winder Recycling Company ay nangangailangan ng 20-30 kilo ng plastik na basura, habang 70-100 kilo naman ang ginagamit sa paggawa ng mga mesa, tingnan natin kung mga ilang bangko at mesa ang pwedeng magawa sa mga makukuha nating plastic dito.

Sa pamamagitan ng mga makabagong programa, teknolohiya, at sama-samang pagsisikap, maaari nating gawing oportunidad ang basura at tulungan ang kalikasan na maghilom.

Tandaan natin na ang bawat piraso ng plastik na nare-recycle ay isang hakbang papalapit sa isang mas malinis, luntiang, at mas matatag na Pilipinas.

Pagkaisahan nating ayusin ang ating bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter