South Africa variant, kailangang mapigilan kaagad ang paglaganap sa bansa – eksperto

HINIKAYAT ng mga eksperto ang pamahalaan na tiyaking hindi na lalaganap sa bansa ang South Africa variant ng COVID-19.

Ito’y matapos masuri sa isang pag-aaral na mababa ang bisa ng AstraZeneca sa paglaban sa South Africa variant.

Kamakailan lang naiulat na nadiskubre ng Department of Health (DOH) ang apat na kaso ng bagong variant mula South Africa sa Pasay City.

Ayon kay Fr. Nicanor Austriaco, ang presensya ng ‘super COVID variant’ kagaya ng B.1.351 ay magdudulot ng malaking epekto sa pagkontrol sa pandemya at maging ng vaccination program sa bansa.

Aniya, ang bisa ng AstraZeneca vaccine laban sa South Africa variant ay bababa mula sa 70% hanggang sa 10%.

“South Africa decided to abandon the AstraZeneca vaccine because it was no different from injecting water into the patients. With 10 percent protection, basically most people would still be able to get mild and moderate COVID-19,”pahayag ni Austriaco.

Samantala, ngayong gabi ay inaasahang darating sa bansa ang 487,200 dosis ng AstraZeneca vaccine.

Umaasa naman ang OCTA na hindi lalaganap pa ang South Africa COVID-19 variant sa bansa.

“AstraZeneca’s expected time of arrival (7:30 p.m.) is based on the schedule handover of vaccines. We will notify everyone, if and when there is a change of schedule,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

SMNI NEWS