Southeast Asian Leaders Summit, nakatakdang isagawa sa Amerika

Southeast Asian Leaders Summit, nakatakdang isagawa sa Amerika

INIHAYAG ng White House na nais ni Pangulong Joe Biden na isagawa ang Southeast Asian Leaders Summit sa Washington na dadaluhan ng pangulo ng iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas.

Ayon sa pahayag ng White House, ang pagtitipon ay gaganapin sa Mayo 12-13 na naglalayong ipakita ang dedikasyon ng Amerika na maging kasosyo ang mga bansa sa Southeast Asia.

Kikilalanin din ng Summit ang pangunahing papel nito sa paghahatid ng mga maiigting na solusyon sa matitinding hamon ng rehiyon at paggunita sa 45 taon ng relasyon ng US-ASEAN.

Noong October 2021 US-ASEAN Summit, inanunsyo ng Pangulo ang $102 milyon para sa mga bagong inisyatiba upang palawakin ang pakikipag-ugnayan sa pagbangon mula sa COVID-19, matibay na seguridad, krisis sa klima, at higit pa.

Kabilang sa mga miyembro ng ASEAN 10 na dadalo ay ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam.

Orihinal na nagplano ang Biden Administration para sa isang Southeast Asian Leaders Summit noong Marso.

Samantala, umaasa naman ang mga miyembro ng ASEAN sa kanilang hinaharap na mga talakayan kasama ang Pangulo ng Estados Unidos.

Follow SMNI NEWS in Twitter