SP Escudero pinuri ang pagsuko ni Pastor Quiboloy

SP Escudero pinuri ang pagsuko ni Pastor Quiboloy

UMANI ng papuri mula kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ang ginawang pagsuko ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa mga awtoridad nitong araw ng Linggo.

Sa isang ambush interview sa Senado sinabi ni Escudero na isang mabuting bagay na dininig ni Pastor ang panawagan ng iilan para matigil na ang kaguluhan sa pagitan ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ at kapulisan na umabot ng dalawang linggo.

Iginiit din ng senador na hindi mahalaga kung kaninong bersiyon ng pagsuko ni Pastor Apollo ang totoo, ang mahalaga aniya ay mabigyan ng pagkakataon ang butihing Pastor na sagutin sa tamang lugar ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.

Bagama’t inaasahan na ipatawag sa Senado at Kamara para imbestigahan ay ipinaalala naman ni Escudero na may kustodiya din kay Pastor Apollo ang korte ng Pasig City kaugnay sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

“Sapat na para sa akin kung ano man ‘yung away at bangayan nila, kung saan sumuko, nahuli ba o hindi. Bahala na sila. Basta ang importante at mahalaga para sa akin nasa kustodiya na siya at may pagkakataon na siyang harapin ‘yung mga kasong isinampa sa kanya,” saad ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble