NAGSANIB-puwersa ang tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga pasyenteng may kanser.
Kaugnay ito sa pagpapalabas ng P6.230-M halaga ng medical assistance sa pamamagitan ng guarantee letter sa mga pasyente ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City.
Nabuo ang kasunduan nang dumalo si Speaker Romualdez sa una nitong town hall meeting kung saan naging paksa ang kapakanan ng mga pasyenteng may kanser, kanilang pamilya, at mga health practitioner.
“To the care and medication of a cancer patient is among the most financially taxing things that a family can experience. It is even more difficult if children are involved. Through this medical assistance, we hope to somehow ease the burden on these families and give them hope,” ani Speaker Romualdez.
Ang 19 na cancer patient na lumahok sa town hall meeting ay binigyan ng P50,000 halaga ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) ng DOH.
Nabigyan naman ng MAIP guarantee letter na nagkakahalaga ng tig-P30,000 ang 176 pasyente ng PCMC.
Sa kabuuan ay P6,780,000 ang halaga ng guarantee letter na naibigay sa mga pasyente ng PCMC sa naturang event.
Ang 30 lumahok sa town hall meeting ay binigyan din ng tig-P10,000 cash assistance mula sa AICS program ng DSWD.