BUMUO na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng isang special committee upang masusing imbestigahan ang pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong nakaraang buwan.
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nabatid na itinalaga ni DPWH Secretary Manuel Bonoan si DPWH Undersecretary for legal services Anne Sharlyne Lapuz bilang pinuno ng komite.
Kabilang sa bumubuo ng nasabing komite ang mga eksperto mula sa iba’t ibang bureau at engineers ng ahensya.
Binigyan ni Bonoan ang komite ng hanggang Abril 25 upang isumite ang kanilang findings.
“According to Secretary Bonoan, they already created a special committee to conduct an investigation on the collapse of Sta. Maria Bridge. The due date should be April 25,” ayon kay Usec. Claire Castro, PCO | Palace Press Officer.
Nauna nang inihayag ng DPWH na magiging layunin ng naturang komite ang tukuyin ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng tulay at ang pananagutin ang sinumang nagkamali o nagpabaya rito.
Noong Biyernes, nagsagawa ng motu proprio investigation ang Senado tungkol sa pagguho ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.
Dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee ang mga opisyal ng DPWH.
Nang tanungin kung may natanggal na opisyal o kontratista, inamin ni DPWH Undersecretary Eugenio Pipo sa nasabing pagdinig na wala pang preventive suspensions na nilalapat laban sa mga posibleng responsable.
“Preventive suspension, siguro po kung mayroon po dapat na bigyan, patawan ng preventive suspension kaya sa ngayon po ay nagkakaroon tayo ng pag-iimbestiga, mahirap naman pong pabigla-bigla tayong magkaroon ng order of preventive suspension kung ang mga tao na involved ay wala naman sa gobyerno. Hindi po siya magiging subject of preventive suspension,” aniya.
Sinabi naman ng PCO official na pagdating kay Secretary Bonoan, kung hindi pa aniya nakikita na siya ang pinaka-involve, ay hindi ito mapapatawan ng preventive suspension.
“Titingnan po natin. Hindi naman po natin ito katulad ng ating sinabi, kung sino iyong dapat managot ay mananagot,” aniya pa.
Layunin din ng imbestigasyon na alamin ang posibleng katiwalian na maaaring nag-ambag sa mahinang konstruksyon ng nasabing proyekto na nagkakahalaga ng mahigit P1.2 bilyon.
Bumigay ang Cabagan-Sta. Maria Bridge noong nakaraang buwan nang dumaan ang isang dump truck na may dalang mabibigat na bato.
Hindi bababa sa anim katao ang sugatan nang bumagsak ang tulay na wala pang isang buwan matapos itong buksan sa mga motorista.
Follow SMNI News on Rumble