Special vaccination day, isinagawa sa BARMM

Special vaccination day, isinagawa sa BARMM

NAGSAGAWA ng special vaccination day ang Department of Health (DOH) kasama ang mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa rehiyon.

Ito ay bilang suporta sa 100 days vaccination presidential directives kung saan kasama dito ang pagbakuna sa 90% ng target senior citizens at mabigyan ng booster shot ang 50% ng target population.

Sinimulan ang special vaccination day sa BARMM sa pamamagitan ng pagtanggap ng second booster ni BARMM Senior Minister Abdulraof Macaua, isang senior citizen.

Bukod kay Macaua, binakunahan din ng first booster ang mga eligible adults at mga eligible children.

Ayon sa DOH, ito ay isang symbolic vaccination dahil isa sa mga lider ng rehiyon ang nagpakita ng tiwala sa mga bakuna.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si DOH OIC Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa symbolic vaccination ng senior minister na inaasahan niyang magreresulta ng pagtaas ng kumpiyansa sa pagbabakuna sa BARMM.