PANGINGISDA ang pangunahing hanapbuhay sa Bayan ng San Fabian, Pangasinan.
At sa pangingisda nila kinukuha ang pang araw-araw na panustos sa maraming pamilya lalo na sa mga nasa laylayan.
Kaya naman, malaking bagay para sa kanila na mapangalagaan ang kanilang kabuhayan hindi lang sa kasalukuyang taon kundi sa pangmatagalang henerasyon.
Ayon sa mga residente ng Barangay Sobol, mas mapaparami pa ang kanilang huli at aanihing mga isda kung sapat rin ang pangangalaga sa mga tahanan ng mga ito kung saan sila nangingitlog.
At bilang isang coastal barangay, malaking tulong sa kanila ang mga bakawan para sa pagpaparami ng mga isda.
Pero hindi lang sa mga isda may malaking tulong ang mga bakawan, katuwang din ito sa proteksiyon ng komunidad laban sa mga sakunang nararanasan ng bansa taun-taon.
Bagong Taon, Bagong Pagasa!
Pag-asa para sa mga residente sa Barangay Sobol, Baybay East, San Fabian, Pangasinan mula sa mga mangrove seedlings na ito na magsisilbing tahanan ng mga isda, seguridad at proteksiyon rin ng komunidad laban sa tumitinding mga kalamidad at sakuna.
Pero kaakibat rito, ang maayos na kalinga at pagpapahalaga sa mga punong ito para pakinabangan ng susunod pang henerasyon at karamihan sa mga mangrove trees dito ay naitanim na 8 taon na ang nakararaan.
Sa kabilang banda, nagiging magandang impluwensiya rin sa mga kabataan ang programang pangkalikasan ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Isa na rito ang grupo ni Mike, isang fraternity group na Alpha Kappa Rho o AKHRO na galing pa sa malayong Bayan ng San Carlos Pangasinan na hindi nag-atubiling sinuportahan ang ‘’One Tree, One Nation’’ ng SPM.
Batid ni Mike na madalas iba ang tingin sa kanila ng komunidad bilang isang fraternity dahil sa pagkakasangkot sa mga gulo, pero pinatunayan nila ito sa pamamagitan ng pakikiisa kay Pastor Apollo sa adbokasiya nito hindi lang para sa kalikasan kundi para sa kapakanan mismo ng buong bayan.