NANGANGAILANGAN ng karagdagang medical staff ang Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City.
Dahil sa patuloy na pagdami ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay humingi na ng tulong mula sa 19th City Council ang SPMC para sa karagdagang staff.
Ayon SPMC Chief Ricardo Audan, nitong nakalipas na mga linggo ay nananatiling nasa critical level ang bed capacity ng ospital.
At dahil nga sa patuloy na pagtaas ng kaso ay kinakailangan na ng karagdagang staff dito.
Aniya maaring madagdagan ang mga kwarto at higaan subalit kulang talaga ang tauhan sa ospital.
Sinabi rin nito na humiling na sila sa Davao City government at Department of Health (DOH) na mag-deploy ng mga nurse mula sa Philippine National Police (PNP)– Davao at Bureau of Fire Protection –Davao upang makatulong at maka-assist sa mga tauhan ng SPMC.
Nakipag-ugnayan na rin ito sa mga auxiliary units, at humiling ng mga spared uniform personnel upang pansamantalang ma-deploy sa SPMC.
Matatandaan na sinabi nito noong nakaraan na patuloy na bukas ang mga job positions para sa mga nurse, doctor at medical staff para sa SPMC subalit konti lamang ang aplikante.
Ang naturang dahilan ang nag-udyok sa SPMC chief na umapela sa city council para sa karagdagang tauhan sa ospital.
(BASAHIN: Kaso ng COVID-19 sa Southern Philippines Medical Center, patuloy na tumataas)