Sports writer, inireklamo si Sen. Pacquiao matapos hindi bayaran ang serbisyo nito

Sports writer, inireklamo si Sen. Pacquiao matapos hindi bayaran ang serbisyo nito

INIREKLAMO ng isang Sports writer si Senator Manny Pacquiao matapos hindi bayaran ang serbisyo nito bilang Speech writer at Commissioner ng basketball league ng senador.

Lumikha ng ingay ang Facebook post ng beteranong Sports writer o Journalist na si Snow Badua kamakailan.

Inakusahan niya si Senator Manny Pacquiao na hindi umano nagbayad ng kanyang serbisyo noon.

Nag-ugat ang lahat nang punahin ni Badua ang pamumudmod ng pera ni Pacquiao sa Batangas noong October 14 na taliwas sa naging karanasan niya sa Senador.

Aniya tatlong buwan siyang nagtrabaho bilang speech writer ni Pacquiao sa senado nang walang bayad.

Nagsilbi rin siyang commissioner ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ni Pacquiao ng tatlong buwan, mula August hanggang November 2017 na wala ring bayad.

Sa panayam sa DZAR, idinetalye ni Badua kung paano ito ginamit ng kampo ni Pacquiao.

“Actually hindi lamang 3 months yan eh. Sa senate po during the campaign kasama po nila ako. Nanahimik ako non, tinawagan ako ng mga tao niya na halika sama ka sa campaign natin. So sumama ako sa campaign ako gumagawa ng video nila to the point na ako na ang gumagawa ng ibang instant speech niya kapag nagsasalita na siya baranggay. Tapos kami yung tumutulong din doon sa pag-package noon image niya eh sa social media kasi that time sa social media kasi ng sports ayun yung hawak natin,”ayon kay Snow Badua.

“So yun hindi tayo nabayaran dun tapos pumasok pa ko ng 3 buwan sa kanya, walang nangyari so umalis nako. So after mga 3 months doon nga nangyari yung sa MPBL. So ako naman sinasabi ko sa mga tao niya, Sir wala pa akong sweldo 3 buwan na ganon ganon? Tapos biglang parang it’s all falling on deaf ears hindi na ko nagpilit,”dagdag nito.

Aminado rin si Badua na walang kontrata ang lahat ng mga ginawa niya kay Pacquiao.

Pero wala raw siyang balak maningil lumutang lamang raw ito sa publiko dahil sa inis nito sa senador.

“Actually wala na ho akong balak maningil eh. Talagang sinabi ko lang talaga yung statement na yun out of inis na namimigay ka ng pera pero yung mga tao mo tulad ko hindi mo nabayaran. Tapos maraming nga ho ang nagsasabi sa comment noong iba na pumick-up na mga new organizations na ba’t daw ngayon lang ako lumitaw diba kung kailan election?”ayon kay Badua.

“Ano naman ho yung timing na ilalabas ko against Senator Manny Pacquiao eh hindi naman po siya nag-fifigure doon sa ibabaw po ng presidential race diba? So as a matter of fact dapat nga hindi na ako nagsalita kung gusto kong siraan si Manny wala ring mangyayari kasi hindi naman siya winnable at this time eh doon sa posisyon niya sa mga surveys eh. diba?”saad nito.

 

SMNI NEWS