Spot correction, isusulong sa NCRPO

Spot correction, isusulong sa NCRPO

MAGPAPATUPAD ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng isang bagong patakaran para disiplinahin ang mga kawani nito sa National Capital Region (NCR).

Isang hakbang na titiyak ng isang mas malinis na hanay ng kapulisan sa rehiyon.

Isa ito sa mga ibinahaging paalala at babala ni NCRPO chief police Major General Jonnel Estomo sa mga bagong promote na Metro Manila Police Personnel.

Sa ilalim ng programa, hindi lang sa komunidad nakatuon ang atensiyon ng mga pulis kundi maging sa kapwa nitong law enforcers upang hindi makalusot ang anumang kalokohan sa kanilang hanay.

Kaya naman payo ng heneral sa mga ito, mahalin ang pinaghirapang posisyon at huwag sayangin sa pamamagitan ng pagpasok sa iligal na gawain.

Giit ng heneral, wala siyang ibang hangad kundi mapabuti ang kanilang hanay kung kayat patuloy ang kanilang kampanya lalo na sa paglaban sa iligal na droga.

Sa katunayan, muli na namang nagpamalas ang mga tauhan ng NCRPO matapos sumalang sa isang surprise drug test ang nasa 30 station commanders, araw ng Martes.

Ayon kay Estomo, bahagi pa rin ito sa kanilang suporta sa ipinatutupad na internal cleansing sa loob ng Philippine National Police (PNP).

Isang patunay aniya na wala silang kinalaman sa isyu ng iligal na droga.

Nauna nang tiniyak ng opisyal na kumpiyansa siya na malinis ang kanilang buong hanay sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Samantala, para kay Police Captain Efren Calis ng Southern Police District, isa sa mga benepisyaryo ng Regular Promotion Program ng PNP, suportado niya ang paalala sa kanila ng kanilang pinuno.

Aniya, malaking bagay ang mahigpit na paglilinis ngayon sa kanilang hanay upang tuluyan nang mapawi ang takot at duda ng publiko sa kanila at lalo nilang magampanan ang kanilang tungkulin sa ngalan ng kaaayusan at kapayapaan sa bansa.

“Para po sa ikagaganda ng Philippine National Police,” ayon kay PCPT. Efren Calis, Southern Police District, Parañaque City.

Sa kabuuan, nasa 100% nang tapos sa pagsusumite ng kanilang courtesy resignation ang buong hanay ng third level officers ng NCRPO.

Naniniwala ang lahat na wala ni isa sa mga ito ang nahulog sa patibong sa impluwensiya ng paggawa, pagbibenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter