SRP sa mga bilihin, planong tanggalin ng DTI

SRP sa mga bilihin, planong tanggalin ng DTI

PINAG-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) na tanggalin ang suggested retail price (SRP) at ipatutupad lang tuwing may kalamidad.

Kunti na lamang na lamang ang nabibili ni Aling Tina sa kaniyang P1,000 na budget habang namimili sa supermarket sa Quezon City.

Malayo na aniya ito kung ikukumpara noon na mura at nabibili lahat ang kinakailangang produkto.

Ngayon, ilang biscuit at tinapay lang ang nabili na pambaon ng kaniyang mga anak sa eskwelahan.

“Yung isang libo ay pang isang linggo ay marami lahat-lahat na at sobra na yun. (Tapos ngayon?) ay wala na po kulang,” ayon kay Aling Tina, mamimili.

Hindi napigilan ni Aling Tina maglabas ng sama ng loob dahil kada linggo na aniya tumataas ang presyo ng mga bilihin na hindi na makatwiran.

“Sorry ha, calling DTI please monitor. Sobrang hirap, lalo na sa mga ordinaryong tao talaga so parang weekly iba-iba ang presyo. Hindi lang 25 centavos, malaki talaga,” dagdag ni Aling Tina, mamimili.

Kung kayat, malaking bagay na may suggested retail price (SRP) sa bawat produkto na nabibili sa mga supermarket na nagiging basehan nila tuwing namimili.

Sa ilalim kasi ng SRP, hindi maaaring taasan ng mga manufacturer ang itinakdang presyo lalo’t kabilang ito sa DTI SRP bulletin.

Tuwing magtataas ng presyo ang mga manufacturer, kinakailangan pa itong ipaalam sa DTI upang pag-aralan kung napapanahon ba ang pagtataas ng presyo sa mga produkto.

Pero, higpitan pa ang sinturon dahil pinag-aaralan ngayon ng DTI na alisin ang SRP at ipatupad na lamang tuwing may kalamidad.

“If we can entice more producers to go on the production of basic necessities there will be increase supply will mean lower prices. So, will try to see how we can consider the study that it has done 2015 by DOJ saying that on regular times there no need for SRP but on crisis time, time of disasters,” ayon kay Sec. Alfredo Pascual, DTI.

Ang plano na ito ng ahensiya ay mariing tinutulan ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC).

Paliwanang ni UFCC President RJ Javellana, malaking epekto ito sa mga konsyumer lalo’t walang humpay ang taas-presyo hindi lamang sa pagkain maging sa tubig, kuryente, at iba pa.

“Kapag ganyan ang nangyari ay madidikta ng mga manufacturer o kapitalista ‘yung tubo o kita na nais nila, hindi katulad sa kasalukuyang kalakalan dahil kahit papaano ito ay kahit minomonitor ng DTI ay nagkakaroon ito ng regulasyon hindi ‘yung anytime na gusto nilang mag-increase ay mag-iincrease,” ayon kay RJ Javellana, UFCC.

Malaking tulong aniya ang SRP upang malaman ng mga mamimili ang mga produkto na mura at mahal na kaya sa kanilang mga budget.

Maging ang mamimiling si Aling Tina, hindi sang-ayon sa posibleng plano ng ahensiya.

“No, no ako diyan kasi ‘yun ‘yung basehan mo na hanggang doon lang ‘yung presyo na puwede kang magtaas na puwede kang mag-complain sa DTI. So, now saan pa tayo magco-complain kung ang DTI mag-aalis non,” ani Tina.

Pagbabawas ng laki o timbang sa isang produkto na hindi tumataas ang presyo, hindi dapat ginagawa—manufacturers

Bukod diyan, pinag-aaralan din ng ahensiya na obligahin ang mga manufacturer at retailer na ipaalam sa konsyumer ang pagpapatupad nila ng ‘shrink-flation’.

Paliwanag ng DTI, ang shrink-flation ay ang pagbabawas ng laki o timbang ng isang produkto para hindi na tumaas ang presyo.

Sinabi ni DTI Consumer Protection Group Asec. Amanda Nograles na hindi lahat ng konsyumer ay mabilis napapansin ang pagbabago sa binibiling produkto.

“Pinag-aaralan natin kung puwede tayo magkaroon ng regulation sa paglalagay ng signage para mabilis. Alerto ang konsyumer kung mayroong pagbabago sa timbang na walang pagbabago sa presyo,” ayon kay Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI.

Kung ang Canned Sardines Association of the Philippines ang tatanungin ay hindi dapat ito gawin ng mga manufacturer at mas makabubuti na maghanap na lamang ng mas murang sangkap.

“Bakit mo babaguhin ‘yung context ng produkto mo, ang babaguhin mo ang sourcing mo. For example, we need tomato paste, we are importing everything, we importing something like 28,000 metric tons a year from Mongolia. Totoong sitwasyon ‘yan, maybe we should stop buying from Mongolia and look for other sources in local theme. They are many ways of doing this,” ayon kay Francis Buencamino, Executive Director, Canned Sardines Association of the Philippines.

Dagdag pa ng grupo na gumagawa ng sardinas, pinag-aaralan na nila ang paggawa ng bago na Pinoy sardines na makatitiyak na mabibiling mura ng mga konsyumer na sapat sa timbang at laki at pasok sa tamang presyo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble