HINDI na huhugutin sa SSS at GSIS ang capital fund para sa Maharlika Investment Fund Act (MIF).
Ayon kay House Appropriations Committee Senior Vice-Chairperson Stella Quimbo, na-validate nila sa Kamara ang pangamba ng marami na baka mawindang ang perang matagal na pinaghirapang hulugan ng mga pensioner.
“Na-validate iyong agam-agam of our pensioners, lalo na ang masisipag na manggagawang Pilipino na buwang-buwang naghuhulog,” ani Quimbo sa isang press conference.
Ayon naman kay Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na lamang kukunin ang pondo para dito.
Diin ng batang Marcos, ginawa nila ang pagpapasya matapos kunsultahin ang stakeholders ng proposed MIF.
Sa paunang bersyon ng panukala, gagamiting seed money ang available na pondo mula sa government financial institutions (GFIs) gaya ng SSS at GSIS.
Ayon naman kay Quimbo, layon nilang makahanap ng ‘surplus fund’ para i-invest at palaguin upang magamit sa mga proyekto ng pamahalaan.
“The goal of this fund is to look for a surplus fund to be an investment vehicle for higher returns that will yield a higher budget for government programs,” diin ni Quimbo.
Bukod sa GFIs, huhugot din ng pondo sa national budget.