SSS, mayroong 1% contribution hike

SSS, mayroong 1% contribution hike

IPATUTUPAD ng Social Security System (SSS), ang dagdag-singil sa kontribusyon sa kanilang mga miyembro.

Ayon sa pamunuan ng SSS may batas na nagtatakda sa kanilang panibagong contribution hike.

Simula Enero 1, 2023, may dagdag-singil sa kontribusyon ang SSS sa kanilang mga miyembro na 1%.

Ito ay alinsunod lamang sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 kung saan hanggang sa 2025 magkakaroon ng dagdag-kontribusyon hanggang 15%.

Pero, nilinaw ng SSS na ang naturang contribution hike ay hindi papasanin ng mga manggagawa dahil mga employer ang papasan nito.

Dahil dito, ang noong 8.5% na kontribusyon na binabayaran ng employer o kumpanya ay magiging 9.5% na.

Habang wala namang paggalaw sa babayarang kontribusyon ng mga manggagawa dahil ang naturang contribution hike ay ibabalikat ng mga employer.

Pero, kung ang mga maliliit na employer ang tatanungin anila, wala sa timing ang ipinatupad na contribution hike ng SSS.

Ayon kay Malou, may-ari ng maliit na kainan sa Quezon City, bumabangon pa sila mula sa pagkalugmok bunsod ng matinding lockdown noon dahil sa COVID-19 pandemic.

“Ngayon pa lang kami nakakarecover. Sana hindi muna ngayon,” ayon kay Malou Rosales, store owner.

Bagamat, maganda naman ang hangarin ng SSS pero kabaliktaran naman ito sa kanila lalot maraming kakumpitensya sa food industry.

Matatandaan, una na ring nanawagan ang ilang grupo na ipagpaliban muna ang dagdag-kontribusyon dahil sa taas ng halaga ng bilihin.

Sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon,na sanay binalanse muna ng SSS ang pagpapatupad ng dagdag na kontribusyon.

Ani Barcelon, posible kasi itong makakaapekto sa inflation na makakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pero giit ni Jo Villacorta, Vice President for Benefits Administration Division na sumusunod lamang ang ahensya sa nakasaad sa batas.

Kinakailangan aniya ring ipatupad ito para pahabain pa ang fund life ng SSS hanggang 2054.

Makatutulong aniya ang contribution hike upang pondohan ang mas mataas na benefit disbursements ng milyong-milyong miyembro at pensioners nito.

Katulad ng maternity loan, death, retirement at iba pa.

Nilinaw pa ni Villacorta, tanging ang mga employer lamang ang babalikat sa dagdag na ito at hindi maaaring ibawas sa sweldo ng kanilang mga empleyado.

Follow SMNI NEWS in Twitter