Staggered work hours at pagbabawas ng empleyado sa opisina, iminumungkahi

NANAWAGAN ngayon ang Healthcare Professionals Alliance against COVID-19 sa mga employer na pansamantalang magbawas ng mga empleyado na pumapasok sa opisina.

Ito ay upang ma-decongest ang mga opisina at maiwasan ang posibleng hawaan ng virus sa trabaho.

Bukod dito, iminungkahi rin ng grupo sa mga business at industry leaders ang pagpatutupad ng staggered work hours upang hindi magsabay-sabay ang pasok ng mga manggagawa.

Pinatitiyak din ng grupo ang pagkakaroon ng maayos na ventilation sa mga workplace na makatutulong upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Kamakailan lang nang matukoy ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) na sa workplace madalas nagkakaroon ng hawaan ng COVID-19 at naiuuwi ng empleyado ang virus sa kani-kanilang mga pamilya.

Samantala, muling iginiit ng Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) na hindi na kakayanin pa ng mga kompanya na muling magkaroon ng lockdown.

Lalo na ani ECOP President Sergio Ortiz Luis Jr., na nagsisimula pa lamang na bumangon ang ekonomiya ng bansa na higit na naapektuhan ng pandemya.

Paliwanag pa ni Luis, mayorya sa mga trabaho sa bansa ay hindi maaaring magawa sa pamamagitan ng work-from-home set-up.

Apela nito, hindi dapat na o-over-react ang mga tao sa kabila ng tumataas na bilang ng kaso ng sakit gayong nanatili namang mababa ang death rate nito.

Pagkwestyon ni Luis, bakit kailangan itaya ang kinabukasan ng bawat isa kung hindi naman dumarami ang bilang ng mga nasasawi.

Pagbibigay-diin pa nito, nasa mas mabuting kalagayan na ang bansa sa laban nito sa COVID-19 kumpara noong nakaraang taon.

SMNI NEWS