PINASINAYAAN ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang bago at standard nito na pasilidad na malayo sa hitsura ng nakaugaliang kulungan na tila sardinas sa iisang selda sa sobrang dami.
Layunin nito na mabawasan ang siksikan ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa mga jail facility.
Kaliwa’t kanan na mga buy-bust operation, mga raid, checkpoints at marami pang iba, ilan lamang ito sa mga ginagawang hakbang ng mga awtoridad upang masugpo ang ilegal na droga na sumisira sa buhay ng isang indibidwal.
Batay sa datos ng BJMP na sa 70% ng mga nakukulong sa mga jail facility ay may kaso sa ilegal na droga.
Kaya naman dahil dito ay gumawa ng mga programa at paraan ang BJMP upang maiwasan ang siksikan ng mga PDL sa loob ng mga jail facility.
Isa na nga rito ang pagpapa-construct ng mga jail facilities para lumawak at lumuwag ang kondisyon sa mga kulungan.
Nito lang kamakailan ay pinasinayaan ng BJMP ang bagong Metro Manila District Jail (MMDJ) Building at ibang pasilidad sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Insp. Jayrex Joseph Bustinera na hindi lang ito ang unang pasilidad na naipatayo ng BJMP, aniya na sa mahigit 100 na sa buong bansa ang naipatayong bagong pasilidad para sa decongestion.
“Part ito ng mga series ng mga facilities natin, hindi lang ito sa isa na bago, meron pang previously na bagong tayo din,” ayon kay Jail Chief Insp. Jayrex Joseph Bustinera, Spokesperson, BJMP.
“Ongoing po ang inventory namin pero definitely from 2017 may mga 100 plus na facilities na similar na bagong tayo,” ayon pa kay Bustinera.
Sinabi pa ni Bustinera na sa nasabing bagong pasilidad, magkakaroon lang ng 10 PDL sa loob ng isang selda ngunit mababawasan pa ito depende sa risk level ng mga PDL at nasa humigit kumulang 3 libong PDL ang kayang maipasok sa nabanggit na jail building.
“Yung MMDJ sir, yung facility na yan naka design yan for zero congestion rate, yun yung design niya so sa isang selda, 10 sila and then merong level ng population ng occupancy, may pang-sampu, pang-lima may pang-dalawa so isa po depende sa risk level and then yung basehan po natin jan yung minimum standard na 4.7 sq. meters/person,” aniya pa.
Dagdag pa ng tagapagsalita na maituturing na isang standard jail facility na ang bagong naipatayong gusali.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng bagong pasilidad ng BJMP, hindi lang sa mga PDL kundi maging sa trabaho ng mga jail officers ay mapapadali.
“Kakaiba siya in a sense na standard na siya sir, lahat nasunod, ibig sabihin may accommodation siya for intake and clarification ng mga bagong datin. May accommodation siya para sa mga bisita sa face to face. Maluwag may children’s area din yan so interns sa ano niya sir minimum standard na talaga siya ang design ng facility lahat meron na ng amenities,” aniya.
“Sa part ng BJMP sa mga jail officers natin mapapadali yung trabaho nila kasi nakadisenyo nang maayos yung pasilidad, sa mga PDL naman ang impact nito sir as is zero congestion rate so mawawala nang congestion rate natin. Spacious ang kanilang selda, may open access to air at may access din sa sunlight so ito po yung adhikain natin na makapagpatayo ng maayos na pasilidad,” dagdag nito.
Sa ngayon ay inaasahan ng BJMP na madadagdagan pa ang mga standard at bagong pasilidad na maaaring tirhan ng mga PDL, aniya hinihintay nila na matapos sa susunod na buwan ang mga bagong pasilidad sa Marawi, Payatas, at sa Quezon City.