PARAMI nang parami na sa mga 2019 STEP scholars ng TESDA sa Metro Manila ang nakakatanggap ng kanilang starter toolkits.
Ngayong araw, opisyal nang ipinamahagi ng Technical Education and Skills Development Authority o (TESDA) ang mga starter toolkit sa mga STEP o Special Training for Employment Program na nagtapos noong 2019.
Kabilang sa mga nakatanggap ay ang mga nagtapos ng kursong hilot (wellness massage) NC II, prepare cold meals (leading to NC II), plumbing NC I, Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC I, perform facial treatment (leading to beauty care NC II), at electrical installation and maintenance NC II.
Ang mga toolkits ay bahagi ng ‘sets of gadgets’ na ibinibigay ng TESDA nang libre sa mga STEP scholars para sa kanilang training.
Saad ni TESDA Secretary Isidro Lapeña, magsisilbing instrumento ito para makasimula ng sariling hanapbuhay o negosyo ang mga iskolar.
Positibo rin ang TESDA Chief na magsisilbing inspirasyon sa iba pang indibidwal na nais magsimula ng kanilang sariling negosyo ang kaganapan ngayong araw.
Saad naman ni Dennis Cerilla, isa sa mga STEP scholars na nakatanggap ng toolkit na pang-welding, malaking bagay ito upang makapagsimula na siya ng kanyang sariling mapagkakitaan.
Nasa 21, 846 ang kabuuang bilang ng mga nakapagtapos na STEP scholars taong 2019 ang dapat na makatanggap ng naturang starter toolkits.
Ayon kay TESDA-NCR Regional Director Florencio F. Sunico, Jr., una ng namahagi sa mga beneficiaries ang district offices ng TESDA-NCR ng matanggap nito ang mga packages noong nakaraang buwan at patuloy nitong ibibigay ang mga natitirang toolkits.
Pero aniya may hinihintay pa na deliveries ang rehiyon upang makumpleto ang kabuuang bilang ng toolkits.
Una namang ng nagpahayag ang Kamara na dismayado ito sa naantalang delivery ng toolkits sa mga libo-libong scholars na nagtapos noong 2019.
Giit ni Makati Rep. Luis Campos dapat naibigay na ang naturang packages sa mga benepisyaryo habang nagsasanay pa ang mga ito o matapos ang kanilang graduation.
Duda rin ang kongresista kung matatanggap pa ng lahat ng scholars ang packages matapos aminin ng TESDA na marami sa mga graduates ay hindi na ma-trace ng ahensiya.
Nang matanong patungkol sa isyu si Lapeña, aniya naging sagabal sa delivery ang mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng pagdating ng pandemya sa bansa.
Hinikayat naman ni Lapeña ang mga scholar na dumalo sa naturang seremonya ngayong araw na kontakin ang mga kakilala nila upang matanggap na rin nito ang kanilang sariling package.
Samantala, sa usaping bubuo ng hiwalay na kagawaran para sa technical education training, pahayag ni Lapeña isa itong malaking development para sa ahensiya.
Matatandaan na nakaraang taon isinusulong ni Antique Rep. Loren Legarda at Manila 3rd District Rep. John Marvin Nieto ang pagtatatag ng hiwalay na departamento para palakasin pa ang TESDA.
Saad ng dalawang opisyal hindi magiging epektibo ang ahensiya sa paglikha ng mga high skilled workers kung hindi makakasabay sa modernisasyon ang TESDA.
Naghain naman ang dalawang opisyal ng hiwalay na panukala.
Sa House Bill 2182, isinusulong ni Legarda ang pagtatatag ng Department of Technical Education Training and Certification na may mandatong magpatupad ng mga polisiya na may kinalaman sa technical and vocational education at skills training.
Alinsunod sa panukala, ia-absorb ng bubuuing departamento ang buong TESDA at ito ang magiging ahensiya na tututok sa pagbuo, pagpapatuloy at pagsasaayos ng lahat ng technical education, training at certification policies, plans at programs.
Sa House Bill 5433 o ang proposed Department of Technical Education and Skills Development O DTESD Act ni NIETO, magsisilbing pangunahing ahensiya ang DTESD para sa pagbuo ng mga polisiya, pagpaplano, koordinasyon at pagpapatupad ng mag programa sa technical education and skills development.
Matatandaang Disyembre ng nakaraang taon naging mainit sa Kamara ang TESDA matapos inihayag ng Commission on Audit na mababa ang outcome ng Special Training for Employment Program (STEP) ng ahensiya.
Nais ng mga mambabatas na paimbestigahan ang “defective at inadequate” training programs ng TESDA matapos halos anim lamang sa kada isang daang graduates ang umano’y nakakapagtrabaho.
Tiniyak naman ni Lapeńa na 85% ang tsansang makapagtrabaho ang mga nagsasanay sa TESDA.