Initial registration sa PhilSys, umabot na sa mahigit 20 milyon

MAHIGIT sa 20 milyon ang mga Pilipinong nakakumpleto na sa Step 1 registration para sa Philippine Identification System (PhilSys) hanggang Pebrero 26, 2021 ayon sa pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“As of February 26, per the latest count, PSA has recorded a total of 20,133,869 registrants who completed Step 1 registration,” ayon sa PSA.

Dahit positibo ang naging resulta ng rehistrasyon, itinaas ng PSA ang target nito para sa Philippine Identification (PhilID) registration sa 70 milyon ngayong taon.

“The target registrants will include vulnerable groups identified by the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, such as front-line health workers, senior citizens, indigents, and uniformed personnel,” pahayag ng PSA.

Nagsimula ang Step 1 registration ng PhilSys noong Oktubre 12, 2020 sa 32 na mga piling probinsiya bilang mga low-risk area ng COVID-19.

Paunti-unti namang sinimulan ang Step 2 Registration sa small-scale na basehan sa 32 na mga probinsiya.

Kabilang sa Step 2 ang pagpapatunay sa mga dokumento, at pagkuha ng biometric information kagaya ng fingerprints, iris scans, front-facing photographs na isasagawa sa mga registration center.

Isinabatas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Agosto 2018 ang Republic Act 11055 o ang Philippine Identification System Act, na layong makapagtatag ng isang national ID para sa mga Pilipino at ng banyagang residente.

Ang national ID ay magiging balidong patunay sa pagkakilanlan at gagawing simple nito ang transaksyon sa pampubliko at pribado, pagpatala sa paaralan, at pagbukas ng mga account sa bangko.

SMNI NEWS