NATUKLAP na ang ilang bubong ng Licerio Antiporda Sr. National High School sa Buguey, Cagayan dahil sa malakas na hangin na hatid ng Bagyong Marce.
Isa lang ang bayan ng Buguey sa lalawigan ng Cagayan ang patuloy na nakararanas ng hagupit ng nasabing sama ng panahon.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni DOST-PAGASA Administrator Dr. Nathaniel Servando na mula araw ng Miyerkules Nobyembre 6 hanggang hapon ng Nobyembre 7, nasa heavy to intense rain ang ibubuhos ng Bagyong Marce sa buong Cagayan.
Habang sa kaparehong araw moderate to heavy rainfall naman ang mararanasan sa Batanes, Isabela, at Aurora.
“Nagpalabas kami ng rainfall advisories dahil inaasahan natin ang mga malalakas na pag-ulan simula ngayong araw lalong-lalo na sa probinsya ng Cagayan ine-expect natin ang heavy to intense rain from 100-200 mm of rain starting today moderate to heavy rains naman sa Batanes at Aurora,” saad ni Dr. Nathaniel Servando, Administrator, DOST-PAGASA.
Ayon pa sa director ng PAGASA, aasahan na lalakas pa ang mga pag-ulan habang tinatahak ng bagyo ang northern part ng Luzon.
“Inaasahan natin na lalakas pa ang mga pag-ulan habang ang Bagyong Marce ay patuloy na kumikilos palapit sa Mainland Luzon particularly sa northern part ng Luzon,” ani Servando.
Sinabi rin ng opisyal na dahil sa lakas ng bagyo ay inaasahan nila na magkakaroon ng storm surge sa mga dalampasigan.
“Dahil na rin sa malalakas na hangin, inaasahan natin na magkakaroon ng storm surge sa mga dalampasigan lalong-lalo na sa mga areas na nakataas ang Signal No 3. at No 2. Inaasahan natin ang moderate to high risks inaasahan natin ang coastal flooding dulot ng malalakas na paghampas ng alon sa mga dalampasigan kaya pinapayuhan din natin ang ating mga kababayan if possible na lumayo sa mga dalampasigan lalong-lalo na sa mga areas na derektang maapektuhan ng Bagyong Marce,” aniya.
Samantala, sa panayam ng SMNI News kay Alvin Ayson Information Officer ng Office of Civil Defense Region 2, para masiguro ang kaligtasan ng mga residente, suspendido na ang pasok sa buong Region 2.
“Sa Batanes as precautionary measure upang masiguro po natin ang protection at safety ng ating mga kababayan naglabas na rin sila ng work suspension.”
“Buong Region 2 naka-suspend na rin ‘yong mga klase from kindergarten hanggang sa senior high school,” wika ni Alvin Ayson, Information Officer, OCD Region 2.
Aniya, maaga pa lang ay nagpatupad na rin sila ng preemptive evacuation sa ilang lugar sa nasabing rehiyon.
“Yes sir, nasa red alert status tayo Charlie Protocol.”
“Kahapon may mga nagsagawa na ng preemptive evacuation pero kami ay nag-aantay ng confirmation ng data sa mga affected areas of responsibilities natin,” ani Ayson.
Kasunod nito sinabi rin ni Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army na nakaantabay na ang tropa ng army partikular na ang 5th Infantry Division at mga reservist sakaling kinakailangan ang kanilang puwersa.
“Immediately nung napag-alaman namin na may parating na bagyo. We put on a standby alert lahat nung ating disaster response unit belonging to 5th Infantry Division and even doon sa mga community defense center natin ‘yong mga reservists natin nakaalerto na rin for any response na kinakailangan,” pahayag ni Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.
Sa huli payo ng PAGASA sa publiko,
“Pinapayuhan natin ang ating mga kababayan na seriously i-consider ‘yong paghahanda at pag respond sa Bagyong Marce habang ito ay papalapit sa may Northern Luzon at lalo pang lumalakas dahil sa banta na dala nito upang maiwasan po natin ang matinding impacts nito,” dagdag ni Servando.
Follow SMNI News on Rumble