INAPRUBAHAN ng Iranian Parliament ang planong pagsasara ng Strait of Hormuz, kasunod ng pambobomba ng Estados Unidos sa mga nuclear facilities ng Iran.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa buong mundo.
Araw-araw, dumadaan dito ang malaking porsiyento ng suplay ng langis at liquified natural gas (LNG) na ginagamit ng iba’t ibang bansa.
Matatagpuan ito sa makitid na bahagi ng karagatan sa pagitan ng Iran at Oman.
Tinatayang 20% hanggang 25% ng global supply ng langis at LNG ay dumaraan sa Strait of Hormuz araw-araw.
Ayon sa mga eksperto, kung tuluyang isasara ng Iran ang Strait of Hormuz, asahan ang pagtataas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“The door for diplomacy should always be keep open but this is not the case right now. My country has been under attack, under aggression and we have to respond,” ayon kay Araghchi, Iranian Foreign Minister.
Bukod sa bantang pagsasara ng Strait of Hormuz, inanunsiyo ng Iran na maglulunsad din sila ng mga pag-atake laban sa Estados Unidos.
Dahil sa banta ng isang global oil crisis, humingi ng tulong ang gobyerno ng US sa China upang pigilan ang Iran sa pagsasara ng Strait.
Ayon kay US Secretary of State Marco Rubio, masisira ang global supply chain ng langis kapag isinara ang ruta.
“I encourage the Chinese government in Beijing to call them (Iran) about that, because they heavily depend on the Straits of Hormuz for their oil,” saad ni Marco Rubio, US Secretary of State.
Ipinipilit ng US na makialam ang China dahil ayon kay Rubio, nakadepende rin ang Chinese market sa langis na dumadaan sa Strait of Hormuz.
Kung matatandaan, Estados Unidos ang siyang unang umatake sa Iran—hindi ang China.
“If they [close the Straits]… it will be economic suicide for them. And we retain options to deal with that, but other countries should be looking at that as well. It would hurt other countries’ economies a lot worse than ours,” ayon kay Marco Rubio, US Secretary of State.
Sa kasalukuyan, nasa halos $85 per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Pero kung maisasara ang Strait, maaaring umabot ito sa $100 hanggang $150 per barrel.
Sa Pilipinas, posibleng tumaas ng P10 hanggang P20 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina kapag natuloy ang pagsasara.
Strait of Hormuz, may kinalaman sa galaw ng presyo ng langis sa bansa—ekonomista
“Ang Iran ang nagko-control ng Strait of Hormuz. At iyang Strait of Hormuz na iyan, diyan dumadaan ang napakaraming mga oil tankers—galing sa Iraq, galing sa Kuwait, galing sa Saudi Arabia—dumadaan diyan. At kapag ka sinara ’iyan, walang dadaanan ’yung mga tankers na nagdadala niyan ng produktong petrolyo sa iba’t ibang mga bansa kabilang na ang Pilipinas,” wika ni Dr. Michael Batu, Economist.