Sugar producers sa DA: Bilisan ang cloud seedings

Sugar producers sa DA: Bilisan ang cloud seedings

UMAPELA ngayon ang ilang sugar producers sa Negros Island sa DA na pabilisin ang pagsasagawa ng cloud seedings dahil sa epekto ng ash fall sa pananim na tubo.

Buwan ng Hunyo 2024 lamang nang pumutok ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island na nakaapekto sa kabuhayan kabilang na ang mga magsasaka na ang pagtatanim ng tubo lamang ang hanapbuhay.

Ayon kasi sa United Sugar Producers Federation (UNIFED), umabot na sa 2,000 hanggang 3,000 ektarya ng tubo ang apektado ng ash fall dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

‘”Yung ash fall na didikit sa leaves ng sugarcane ay papatayin niya ‘yung sugarcane. It’s too acidic na masusunog kung tingnan mo, masusunog ‘yan parang sunog and the ash fall that goes down to the soil makes the soil acidic which was proven by the SRA,” ayon kay Manuel Lamata, President, UNIFED.

Kaya, apela nila sa Sugar Regulatory Administration (SRA) at Department of Agriculture (DA) ay bilisan ang pagsasagawa ng cloud seedings.

Malaking bagay ani Lamata na magkaroon ng artipisyal na ulan na makatutulong sa mga plantasyon ng tubo.

Sa kabila kasi ng pagpasok ng tag-ulan ay hindi pa rin sapat ang ibinabagsak na ulan sa mga lugar kayat kinakailangan ang cloud seedings.

“I requested the DA since March, March pa ay tinatawagan ko rito na mag-cloud seeding na kasi grabe na epekto ng El Niño. So, ngayon double warming na kasi may lahar o ash fall pa kaso dapat hindi na nila ito pigilan,” ani Lamata.

Marami-rami na ring sugarcane farmers ang nalugi dahil sa matinding acidic level.

“Siyempre naman naka-short tons na sila lahat, wala nang, long tons na lang kasi wala ng pera. Very concern, you know, ang mga maliit na 1 hectare ay ‘yun ang matamaan dito. Ngayon, hindi sila maka-planting kasi kahit umuulan more acidic. Wala ‘yung, the soil is very dry you cannot plant here. So, we need rain or water,” dagdag pa nito.

Nakatakda aniya siyang sumulat ulit sa kalihim ng DA para bigyang-pansin ito.

65% ng produksiyon ng asukal sa bansa ay nakukuha sa Negros Island.

Gayunpaman may ilang lugar na rin sa Panay ang nagsagawa ng cloud seedings.

Sa isang pahayag, sinabi ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson na pansamantala munang ipinahinto ang cloud seeding.

Maaari kasi itong maging dahilan ng pagtindi ng lahar sa lalawigan dahil sa pag-uulan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble