Sugatang miyembro ng CPP-NPA-NDF sa Surigao del Sur, pinagamot ng mga sundalo

Sugatang miyembro ng CPP-NPA-NDF sa Surigao del Sur, pinagamot ng mga sundalo

MATAPOS ang ilang araw na pagtatago at dahil na rin sa iniindang sakit sa kanang balakang bunga ng tama ng bala, naisip ng isang miyembro ng CPP-NPA-NDF ang pagsuko sa militar.

Kinilala ang dating CPP-NPA na si Jobert Solinap, team leader ng komunistang grupo na nag-ooperate sa probinsiya ng Agusan del Sur at Surigao del Sur.

Bago ang kanyang pagsuko, nakasagupa ng grupo ni Solinap ang 67th Infantry Battalion sa Sitio Dam Brgy. Ginhalinan Barobos Surigao del Sur.

At dito tinamaan ng bala si Solinap at agad na nagtago ng ilang araw.

Matapos ang ilang araw nang hindi na makayanan ang sugat mula sa tama ng baril, agad na nakipag-ugnayan si Solinap sa Philippine Army na agad rin namang tumugon sa pangangailangan nito.

Sa halip na tuluyan, hindi na pinalagpas ng 401st Infantry Brigade ang pagkakataon na tulungan si Solinap at agad na ipinagamot ito sa ospital.

Sa kabutihang palad nasa maayos na kalagayan na ngayon si Solinap at nangakong makikipagtulungan sa pamahalaan para sa kanyang tuluyang pagbabalik-loob rito.

Iginiit ni 401st Infantry Battalion Commander Col. Romel Almaria na hindi sila titigil sa pagsugpo sa mga natitira pang kasapi ng komunistang teroristang grupo na CPP-NPA-NDF lalo na sa kanilang area of responsibility.

Gayunman, patuloy nilang nililinaw ang pagpapahalaga pa rin sa mandato ng international human rights sa mga kaparehong insidente ng kusang pagsuko ng mga rebelde sa pamahalaan.

Iginiit din ng militar na ang pagtulong kahit sa mga kalaban ng gobyerno ay isa pa rin anila sa kanilang prayoridad para ipakita ang respeto sa isa’t isa at pagsusulong ng kapayapaan sa bansa.

Samantala, para sa bagong talagang AFP Chief of Staff na si Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro, mahigpit na tututukan ng kanilang hanay ang modernization program ng militar.

Nauna nang sinabi ni Bacarro na hindi maitatanggi na naabot na ang limitasyon ng resources ng gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic kaya nais nilang  matutukan ang modernisasyon ng AFP batay sa “upgrade tranche.”

Hakbang ito para sa mas modernong hanay ng AFP kasama ang pagbili ng karagdagang kagamitan at proyekto sa kanilang mga operasyon sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter